IPAGPAPATULOY ni Paris Olympic-bound Felix Eumir Marcial ang kanyang training sa Las Vegas, Nevada.
Pupunta si Marcial sa US sa January at ipagpapatuloy niya ang pag-eensayo sa kanyang paghahanda sa Olympics kung saan target ng 25-anyos na taga-Zamboanga ang mailap na ginto.
“Ang gusto ni Sir Sean Gibbons, sa US ako mag-training hindi sa Australia,” sabi ni Marcial.
Nag-qualify si Marcial sa Paris Olympics makaraang manalo ng silver sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China.
Si Marcial ang pangalawang Pinoy na nakalusot sa Olympic qualifying. Ang una ay si pole vaulter Ernest John Obiena.
Mag-eensayo si Marcial sa kanyang bagong trainer na si Key Coroma sa Las Vegas kung saan siya naka-base matapos ang ilang buwang training sa Wild Card Gym sa Los Angeles sa ilalim ni famed trainer Freddie Roach.
Pinalitan ni Coroma si Jorge Capetillo ilang buwan matapos manalo ang Pinoy ng bronze sa Tokyo Olympics.
Sinabi ni Marcial na habang nag-eensayo ay sasabak siya sa dalawang laban bilang paghahanda sa Paris Games.
“Lalalaban ako dalawa bago sumabak sa Olympics,” wika ni Marcial.
Hindi naman niya masabi kung sino-sino ang kanyang makakasagupa.
“Bahala na si Sir Gibbons. Dito lang ako naghihintay,” wika ni Marcial.
Ang training ni Marcial sa US ay ginastusan ng Philippine Sports Commission sa pamumuno ni Chairman Richard Bachmann at ng MVP Sports Foundation at sinuportahan ng Philippine Olympic Committee at Alliance Boxing Association of the Philippines.
CLYDE MARIANO