NAIS ng Malakanyang na mag-uwi ng mas maraming medalya ang mga Pinoy athlete sa Paris 2024 Olympics at nakahanda ang Philippine Olympic Committee (POC) na tumugon dito.
“The President [Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.] wants more medals in Paris,” pahayag ni POC President Rep. Abraham “Bambol” Tolentino sa huling General Assembly ng POC para sa taon sa East Ocean Seafoods Restaurant sa Parañaque City noong Huwebes. “And that’s an order we would more than happily want to accomplish.”
Ayon kay Tolentino, batid ng Pangulo ang matagumpay na kampanya ng bansa noong nakaraang taon sa Tokyo kung saan nakopo ni weightlifter Hidilyn Diaz-Naranjo ang unang Olympic gold medal ng bansa. At sa pagwawagi nina boxers Carlo Paalam at Nesthy Petecio ng silvers at Eumir Felix Marcial ng bronze, ang Tokyo ang naging pinakamatagumpay na Olympics para sa Pilipinas sa loob ng halos isang siglo.
“I just told the President that we delivered a lot of Olympic medals during the past administration, and he replied that it’s not enough and he wants more,” ani Tolentino. “So I answered ‘Yes Mr. President, we’ll do more in the Paris Olympics.”
Sa kasalukuyan, target ni Tolentino ang minimum na 12 atleta na maaaring mag-qualify sa Paris 2024, subalit marami pa siyang inaasahan at maaaring mahigitan ang 19 Olympians na ipinadala ng bansa sa Tokyo.
Gayunman ay hindi niya pinangalanan ang kanyang potential Paris qualifiers subalit nagpahayag ng kumpiyansa sa “masaganang” Paris campaign sa tinatamasang magandang relasyon ng POC sa Philippine Sports Commission (PSC), ang sports arm ng Palasyo na nagpopondo sa sports machinery ng bansa.
“That’s the secret, our relationship with the PSC is getting better and better,” dagdag ni Tolentino.