HINDI dapat inaprubahan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagtaas ng suggested retail price (SRP) para sa ilang pangunahing bilihin, ayon sa isang consumer group.
Sinabi ni Laban Konsyumer president Vic Dimagiba na hindi makatuwiran ang price hike lalo’t tumaas ang inflation, na ang pangunahing dahilan ay ang pagmahal ng pagkain.
“’Di pa tayo nakaaahon sa mataas na inflation noong nakaraang taon,” giit ni Dimagiba.
Ani Dimagiba, sa kanilang monitoring ay tumaas ang presyo ng ilang brand ng condensed at evaporated milk ng P0.25 hanggang P1.80.
May dagdag naman, aniya, na P1 sa presyo ng isang brand ng kape at P0.50 hanggang P0.75 sa ilang condiments, kabilang ang patis.
Depensa naman ng DTI, ngayon lang ipinatutupad ang price hike sa ilang produkto na dati nang inaprubahan ng ahensiya.
Noong isang taon pa umano tumaas ang presyo ng mga ito ngunit naantala dahil hindi maaaring magkakasabay na magmahal ang basic at prime commodities.
Dagdag pa ng DTI, inaprubahan nila ang pagtaas ng SRP dahil nagmahal ang raw materials o sangkap sa paggawa ng mga produkto.
Comments are closed.