MASIPAG NA LADY FARMER, MAY 2 TESDA ACCREDITED SCHOOLS NA!

Concepcion Carillo

“AYAW kong manati­ling mahirap habang panahon.” Ito ang ipinangako sa sarili ni Concepcion ‘Connie’ Carillo, 53, ng Brgy. Cairohan, Bingawan, Iloilo, dating magsasaka na nagsikap, ngayon, isa ng agri-entrepreneur na nagmamay-ari ng dalawang farm schools sa nasabing lalawigan sa tulong ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Si Connie ay maagang nag-asawa. Nagka-anak sa edad na 15 lamang. Dahil kapwa mula sa mahirap na pamilya, umasa ang mag-asawa sa pagtatanim ng iba’t ibang gulay at pag-aalaga ng hayop para sa kanilang ikabubuhay kasama ang pitong anak. Tenant lamang sila sa 2-hektaryang lupain na kanilang sinasaka at labourer din ang kanyang asawa sa isang sugar cane farm.

Sa tulong ng kanyang asawa at scholarship program ng local government unit ng Calinog City, itinuloy ni Connie ang kanyang pag-aaral hanggang kolehiyo at nagtapos ng agriculture degree sa West Visayas State University (WVSU) sa Iloilo. Pagka-graduate, nagturo siya sa WVSU sa La Paz, at sa University of San Agustin. Kumuha din siya ng Training Methodology Course l sa New Lucena Polytechnic College sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program (TWSP) ng TESDA Vl noong 2012 at Cookery NC ll sa TESDA Taguig sa ilalim din ng TWSP noong July 2013.

Nang i-award sa kanilang mag-asawa ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang Certificate of Land Ownership Award (CLOA), para sa lupa na kanilang sinasaka, tinalikuran ni Connie ang academe upang ituloy ang kanyang kapalaran sa pagsasaka at binuksan ang Connie Carillo Farm. Nang dumaan ang bagyong Yolanda, malaki ang nasira sa kanyang sakahan, na nagtulak sa kanya para i-convert ang sakahan bilang “diversified organic farm” gamit ang Sloping Agricultural Land Technology (SALT). Bilang advocate ng organic agriculture, gumagawa din siya ng mga organic na pataba para sa kanyang mga pananim.

Binigyan ng TESDA ang Connie Farm School ng mga slots ng kanilang Program Accelerating Farm School Establishment Scholarship (PAFSE) kung saan nagbabayad ang TESDA para sa mga estudyante na naka-enroll sa kanila. Tumanggap ng mga parangal si Connie mula sa Department of Agriculture-Agricultural Training Institute (DA-ATI), kasama na rito ang Most Out-standing Rural Woman of Western Visayas noong 2018.

Matapos marehistro at ma-accredit ng TESDA bilang training at assessment center, pinalitan ang pan-galan ng kanyang farm school ng Kryz Vocational and Technical School (KVTS), isang diversified farm school na nag-aalok ng Organic Agriculture Production NC ll at isa ring Accredited Assessment Center for Agro Entrepreneurship NC ll. Ang farm ay accredited agri tourism destination ng Department of Toursim (DOT). Sa kasalukuyan, may dine-develop na 2 hektaryang agricultural land si Connie sa Guimaras Province para maging isa pang farm school.

Comments are closed.