MASS WEDDING SA SELDA, UNA SA LAGUNA

Mass wedding

LAGUNA – ISINAGAWA ang kauna-unahang mass wedding sa loob mismo ng Laguna Provincial Jail (LPJ) bilang bahagi ng Pamaskong Handog ng mga opisyal kamaka­lawa ng umaga.

Umaabot sa 31 pareha ang magkakasabay na ikinasal ni Sta. Cruz Municipal Mayor Edgardo “Egay” San Luis sa harap ni Laguna Provincial Jail Warden Retired CSupt. Norman Pinion na kinabibila­ngan ng tatlong babaeng preso at 28 na lalaki.

Sa talaan ni Pinion, umaabot sa 856 ang kabuuang bilang ng mga preso nitong nakaraang buwan na kinabibila­ngan ng 86 na babae at 770 naman ang mga lalaki kung saan nasa mahigit na 80% porsiyento nito ang pawang may mga kaso sa droga.

Pahayag pa ni Pi­nion, na ito aniya ang kauna-unahang idinaos na mass wedding sa loob mismo ng piitan sa ilalim ng kanyang pamamahala matapos matuklasan nito na ma­rami sa mga ito ang may mga kinakasama at may mga anak na hindi pa rin ikinakasal.

Sa kabuuang bilang na mahigit na 200 na may mga kinakasama, nasa 31 lamang ang napili ng mga ito na sumailalim sa idaraos na pag-iisang dibdib dahil umano sa may mga kinakaharap pang mga problema ang iba sa mga ito.

Kaugnay nito, matapos ang idinaos na makasaysayang se­remonya ng pag-iisang dibdib, masayang nagsiyakap ang mga ito kasunod ang iginawad na matatamis na halik ng bawa’t isa sa kani-kanilang mga minamahal.

Kasunod din nito ang isinagawang pagsasalo-salo sa isang panangha­lian, pagkain ng matamis na cake at ang pamamahagi ng mga pamasko.

Samantala, sinabi naman ni San Luis na ito aniya ang kauna-unahang pagkakataon na nagkasal siya sa loob ng piitan, kakaiba aniya itong sitwasyon, pagsasalita mo hindi mo masasabing lahat.

Ang kanyang payo sa mga ikinasal, magsama ng maayos na may respeto sa bawa’t isa, unahin, ayusin at itaguyod ang kanilang mga pamilya.

Sa bahagi naman ng mga ikinasal, masaya ang mga ito dahil sa matagal na panahon natupad na rin ang kanilang minimithi na pag-iisang dibdib kapiling ang kanilang mga anak sa kabila ng patuloy pa rin na naghihintay ang mga ito sa maaga nilang paglaya mula sa natu­rang piitan, magbagong buhay, kasunod ang kanilang pasasalamat. DICK GARAY