(Matapos ang 49 taon) PH BALIK SA ASIAN GAMES MEN’S VOLLEYBALL

Volleyball

PANGUNGUNAHAN ng core ng national men’s team na sumasabak sa nagpapatuloy na Southeast Asian Volleyball League (V.League) ang pagbabalik ng bansa sa Asian Games sa Hangzhou, China sa September.

Ayon kay Philippine National Volleyball Federation (PNFV) president Ramon “Tats” Suzara, bagama’t hinahanap pa ang breakthrough win, karamihan sa Filipino spikers na kasalukuyang naglalaro sa SEA V.League ay kakatawanin ang bansa sa 19th Asiad sa September.

“I think the core players here will definitely go to the Asian Games,” pahayag ni Suzara sa sidelines ng SEA V.League, ang kanyang brainchild tournament l kasama si Thailand federation president Shanrit Wongprasert, sa City of Santa Rosa sa Laguna.

Kabilang sa mga inaasahang mangunguna sa pagbabalik ng Pilipinas sa Asiad makalipas ang 49 taon ay ang troika nina Bryan Bagunas, Marck Espejo at rising star Steven Rotter.

Ang huling pagkakataon na lumahok ang Pilipinas sa Asian Games ay noong 1974 sa Tehran kung saan tumapos ang bansa sa sixth place.

Sina Bagunas at Espejo ay hindi naglaro sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia noong nakaraang summer subalit bumalik sa koponan habang si Rotter ay isang rebelasyon sa kasalukuyan para sa Pilipinas magmula noong SEA Games, Asian Volleyball Confederation Challenge Cup at SEA V. League.

Ang Pilipinas ay tumapos sa 10th sa AVC debut nito at fifth sa SEA Games. Sa second leg ng SEA V.League, ang local spikers matapos ang winless Leg 1 campaign sa Jakarta noong nakaraang linggo, ay nagpapakita na ng malaking improvement.

Ayon kay Suzara, ang youth power ni Rotter at ang mayamang karanasan ng combo nina Bagunas at Espejo ay malaki ang maitutulong sa kampanya ng bansa sa Asiad campaign.

“I think we’re back in the level of men’s volleyball. We have new young players coming in and with the experience of Bagunas and Espejo, it will drive more encouragement enthusiasm to our national team,” ani Suzara.

Sa pagkakataong ito, ang bansa ay mahaharap sa mabigat na hamon sa Hangzhou makaraang makasama sa grupo ang Volleyball Nations League bronze medalist at 16-time Asian Games champion Japan, SEA Games king Indonesia at Afghanistan. “I hope that this will continue. I know we have a lot of work to do in many aspects,” sabi ni Suzara.

“But we will get there.”

-CLYDE MARIANO