BUKOD sa muling pagsasama sa basic education curriculum ng asignaturang ‘Good Manners and Right Conduct’ (GMRC), nais din ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na buhayin o mapalakas sa hanay ng mga mag-aaral sa elementarya ang pagtuturo ng ‘music, arts, at physical education’ o P.E.
Ito ang ipinabatid ni Speaker Alan Peter Cayetano (1st Dist. Taguig City-Pateros) kasunod ng paghahayag niya ng kanyang kagalakan sa ginawang pag-apruba ng House Committee on Basic Education and Culture sa iniakda niyang House Bill No. 1.
“I’m very, very happy and excited na masama talaga sa curriculum bilang isang subject ‘yung Good Manners and Right Conduct. Eto po, mga isang dekada nang tinatanong ‘to, mga tatlong administrasyon na, kung bakit tinanggal? Ang sagot nila, ‘yan po ay nasa curriculum pero hindi na isang subject.” Ang naging pahayag pa ng lider ng Kamara de Representantes.
Ang HB 1 ay nakapaloob sa ‘unnumbered consolidated bill’ o ang “Good Manners and Right Conduct (GMRC) Act of 2019”, na lumusot sa nabanggit na house committee at naglalayong gawing isang regular subject ang GMRC sa Kinder hanggang Grade 3 levels, alinsunod sa Edukasyon sa Pagpapakatao curriculum na K-12 Program ng Department of Education (DepEd).
Ayon kay Cayetano, nais ng lower house na muling mabigyan ng halaga sa pagtuturo ng basic education ang aspetong pang-espirituwal gayundin ang pagbibigay importansiya sa damdamin ng bawal indibidwal o mabuting pakikipagkapwa-tao sa halip na tumutok lamang sa larangan ng pagbibigay ng ibayong karunungan o ‘academic learnings’ sa mga estudyante.
‘We want to reemphasize that learning in basic ed is not only intellectual, hindi lang academic. ‘Yung spiritual, ‘yung emotional,
nandiyan ‘yan. So, hindi lang ‘yan ang magiging focus ng Kongreso na ‘to. ‘Yung Music, ‘yung Physical Education, ‘yung Arts na nawala ‘nung dumami ang estudaynte at naging libre ang edukasyon, gusto natin ibalik. Pero ang pinaka-basic tingin natin, ‘yung Good Morals and Right Conduct.” Sabi pa ng house speaker.
Ani Cayetano, sa ngayon, ang GMRC ay nakapaloob sa subject na Araling Panlipunan, at mayroon din umano na inihahalo sa pagtuturo ng Mathematics kung kaya wala itong sariling grade o namamarkahan ang isang estudyante.
“Hindi siya sariling subject, so what happened to one whole generation? So, you have a generation na napakatatalino, at valedictorian pa, pero kung masama naman ugali or hindi naman… walang respeto sa nakakatanda, ‘yung hindi alam ‘yung traiditional Filipino values, pumapasa pa rin. Unlike ‘nung time na merong subject na good morals (manners) and right conduct, ang nangyayari ‘don, kahit number 1 ka, kahit 100 ka sa lahat ng subjects, kung bagsak ka sa subject ng GMRC, bagsak ka,” diin ng mambabatas. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.