PURSIGIDO si Senador Win Gatchalian na isabatas ang pagpaparehistro ng lahat ng subscriber identity module (SIM) cards na ginagamit sa bansa upang maprotektahan ang publiko mula sa mga gumagawa ng mga ilegal at mapanlinlang na gawain.
Plano ni Gatchalian na muling maghain ng panukalang batas na nagmamandatong iparehistro ang lahat ng SIM card sa bansa upang masawata ang mga mapanlinlang na digital activities.
“Dapat maintindihan ng mga kababayan natin ang proseso ng paggawa ng batas. Ang may kapangyarihan na gumawa ng batas ay ang lehislatura pero hindi magiging batas ang isang panukala kung walang pirma ng presidente at ang ehekutibo rin ang magpapatupad ng batas,” ayon kay Gatchalian kasunod ng pag-veto ni Pangulong Duterte sa naturang panukala.
Isa si Gatchalian sa mga naghain ng panukalang batas hinggil sa pagpaparehistro ng SIM card. Ang kanyang bersiyon ay ang Senate Bill (SB) 176 o ang “Act Requiring The Registration Of All Users of Pre-Paid Subscriber Identity Module (SIM) Cards.”
“Ito ang isa sa mga una kong ihahain ‘pag tayo ay nakabalik sa Senado. Pero ihihiwalay ko ang panukala para sa social media para mas malalim at mas komprehensibo ‘yung detalye pagdating sa pagmamandato nito. Aminado ako na ang social media ay nagagamit ngayon sa maraming hindi magagandang bagay. Unang- una, ‘yung mga troll, ako mismo nabiktima. Aatakihin ka at sisirain ang puri mo,” sabi ng re-electionist na senador.
“Malawak ang sakop ng social media. Saklaw pa ba ng NTC (National Telecommunications Commission) ‘yung Facebook, Instagram o Tiktok accounts na ino-operate sa China? May mga ganun na komplikasyon na dapat ayusin. Ako naman ay bukas na ayusin pa ‘yung batas para maging klaro. But in theory, dapat totoong tao lang ang mag-register sa social media,” aniya.
Iginiit ni Gatchalian na kailangang iparehistro ang SIM cards dahil inaabuso ng mga kriminal ang anonymity o kawalan ng pagkakakilanlan kaya naisasagawa nila ang kanilang mga ilegal na gawain at ito ay nakababawas sa kumpiyansa ng publiko na mag- online o digital transaction gamit ang kanilang mobile phones bunsod na rin ng kanilang pag-aalala na mabiktima ng mga manloloko.
Ang panukalang batas ni Gatchalian ay naglalayong isulong ang pananagutan kung may mga paglabag sa mga umiiral na batas kontra sa mga gawaing gamit ang SIM card. Nagtatakda rin ito ng mga mekanismo upang masawata ang mga kriminal na gumagamit ng mobile phone, internet o mga electronic communication sa pagsasagawa ng krimen.
Sa nasabing panukala, magkakaroon na ng paraan ang mga ahensiyang nagpapatupad ng batas na masugpo ang mga krimeng may kinalaman sa paggamit ng SIM card o magkaroon ng ebidensiya na hahantong sa pagresolba ng mga kaso, pagtatapos ni Gatchalian. VICKY CERVALES