MATAPOS MAG-TESDA, NAKAHANAP NG TRABAHO SA BELGIUM

Malaking  pasasalamat ni Marie Mae Antolijao  sa  tinapos nitong Housekeeping  NC ll  mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang  makapagtrabaho bilang overseas Filipino worker (OFW) at maiangat mula  sa kahirapan ang kanyang pamilya.  Siya ay nagtatrabaho ngayon bilang ‘concierge’ o housekeeping staff sa Castle Diepensteyn sa bansang Belgium.

Marie Mae Antolijao
Marie Mae Antolijao

Si Marie, 26, pangalawa sa apat na magkakapatid ay nagtapos ng 4-year course na Associate in Computer Programming sa Datamex  Institute of Computer Technology noong 2011.  Ang kanyang natatanging pangarap ay ang pagkakaroon ng  payak  at maayos na pamumuhay kasama ang kanyang pamilya, at magkaroon ng sariling bahay at lupa.

Ang kanyang ama ay isang tricycle driver habang  ang kanyang ina ay may maliit na   sari-sari store.

Pagka-graduate, nagtrabaho  s’ya bilang production associate sa isang outsourcing company at  sinundan pa ito ng dalawang trabaho. Bilang minimum wage earner, hirap siyang pagkasyahin ang kanyang kinikita para matulungan ang kanyang mga magulang  at  kapatid.

Noong 2017, hinikayat si Marie ng kanyang pinsan na isang housekeeping staff sa isang hotel sa Belgium na sumunod sa kanya, dahil ang kanyang employer ay nangangailangan ng isang mahusay at mapagtiwalaang concierge o housekeeping staff para sa Castle Diepensteyn.

Habang naghihintay ng kanyang mga travel documents, sumailalim si Marie ng skills training program sa  Housekeeping NCII sa TESDA Regional Training Center  sa Region Vll  at  nag-OJT sa isang hotel sa Mabolo, Cebu City.

Gayunpaman, pinayuhan pa siya ng kanyang pinsan na magpa-assess sa TESDA  para makakuha ng National Certificate (NC) sa Housekeeping  dahil mas madaling  matatanggap ang kanyang aplikasyon kung mayroon siya nito.

Inabot siya ng mahigit isang taon sa paghihintay at paglalakad ng kanyang  mga dokumento bago  tuluyang   nakaalis patungong Belgium noong December 1, 2018.

Sa ngayon ay natutulungan na ni Marie  ang kanyang mga magulang at napapag-aral na niya ang kanyang mga kapatid.

Tungkol aniya sa pangarap niyang house and lot para sa kanyang pamilya, “sa ngayon pending muna, kasi nagbabayad pa ako ng  ginastos ko pagpunta dito at may binabayaran pa akong sasakyan na pang-negosyo.

“All the things that I’ve learned from TESDA RTC Vll really molded me to be a better and more competitive person. Some people may think that it’s just a short course, but for me, this training is one of my greatest achievements in life that will always be with me,” ani Marie.

Comments are closed.