Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
12 noon – Arellano vs San Beda (Men)
2 p.m. – Perpetual vs LPU (Women)
PAG-AAGAWAN ng University of Perpetual Help System Dalta at Lyceum of the Philippines University ang nalalabing Finals berth sa NCAA women’s volleyball tournament ngayong Miyerkoles sa Filoil EcoOil Centre.
Ang magwawagi sa 2 p.m. match ay makakaharap ng titleholder College of Saint Benilde sa best-of-three series simula sa April 11.
Ang Lady Altas ay nagtatangka sa kanilang unang championship round stint magmula noong 2019, habang target ng Lady Pirates na umukit pa ng kasaysayan matapos makamit ang breakthrough Final Four stint.
Tumapos ang Lady Altas sa ikalawang puwesto sa likod ng Lady Blazers na may 8-1 record, isang major turnaround mula sa 2-6 campaign noong nakaraang season.
Samantala, nanalo ang LPU sa unang step-ladder match laban sa Mapua, 25-18, 25-23, 29-31, 27-25, noong nakaraang Martes.
Hindi magiging madali para sa Lady Pirates ang gumawa ng panibagong milestone.
Pinataob ng Perpetual ang LPU, 25-21, 25-13, 25-22, sa elims at papasok sa do-or-die match bilang paborito.
May simpleng pangako si coach Cromwel Garcia para sa kanyang koponan.
“Ang Lady Pirates po ay lalaban ulit,” sabi ni Garcia.
Magsasalpukan ang Arellano University at San Beda para sa karapatang makasagupa ang Perpetual sa men’s Finals sa alas-12 ng tanghali.