MAVS BUGBOG SA CELTICS

celtics vs mavs

NAGBUHOS si Jaylen Brown ng game-high 21 points upang pangunahan ang  Boston Celtics sa 114-93 panalo laban sa bumibisitang Dallas Mavericks noong Biyernes ng gabi.

Nagdagdag si Jayson Tatum ng 18 points at gumawa si Marcus Smart ng 17, kabilang ang limang 3-pointers.

Nag-ambag si Gordon Hayward ng 16 points, 11 rebounds at 8 assists.

Naglaro ang  Celtics na wala sina leading scorer Kyrie Irving dahil sa eye irritation at forward Marcus Morris,  na nasaktan ang leeg matapos ang masamang pagbagsak sa kanilang laro noong Miyerkoles kontra Minnesota Timberwolves.

Nanguna si Harrison Barnes para sa Dallas na may 20 points.

KNICKS 119,

LAKERS 112

Binigyan ni Kevin Knox ang New York ng kalamangan sa pagsalpak ng dalawang free throws, may 3:45 ang nalalabi, at hindi pinaiskor ng Knicks ang host Los Angeles ng field goal sa sumunod na 2 1/2 minuto tungo sa panalo na pumutol sa kanilang eight-game losing streak.

Pinangunahan ni Tim Hardaway, Jr. ng New York ang lahat ng scorers na may 22 points, kabilang ang tatlong 3-pointers sa 22-5, game-opening flurry.

Tumipa si Brandon Ingram ng 21 points at 9 rebounds para sa Lakers, na natalo sa ika-4 na pagkakataon sa limang laro mag-mula nang magtamo si LeBron James ng groin injury noong Pasko. Inanunsiyo ng Lakers bago ang laro na hindi makakasama ng koponan si James sa games nito sa Minnesota sa Linggo at sa Dallas sa Lunes.

THUNDER 111, TRAIL BLAZERS 109

Nagtuwang sina Paul George at Russell Westbrook  para sa 68 points upang pagbidahan ang Oklahoma City laban sa Portland.

Tumirada si George ng 37 points at nagdagdag si Westbrook ng 31  nang putulin ng Thunder ang six-game losing streak sa kanilang serye sa  Trail Blazers. Naitala ng Oklahoma City ang ikatlong sunod na panalo.

Tumapos si Damian Lillard na may 23 points at 8 assists, at nakalikom si Jusuf Nurkic ng 22 points at 8 rebounds para sa Trail Blazers, na nanalo ng dalawang sunod.

BUCKS 144, HAWKS 112

Umiskor ng double figures ang lahat ng limang Milwaukee starters sa panalo ng Bucks laban sa Hawks.

Nakakuha ang Bucks ng tig-19 points mula kina Khris Middleton at Atlanta native Malcolm Brogdon, 16 points kay Giannis Antetokounmpo, 14 kay Eric Bledsoe at 10 kay Brook Lopez. Wala sa mga starter ang naglaro ng mahigit sa 22 minuto.

Nalasap ng Atlanta ang ikatlong sunod na kabiguan. Nakakuha ang Hawks ng 19 points mula kay DeAndre’ Bembry, 14 points kay Dewayne Dedmon, at 13 points at 10 assists mula kay Trae Young.

CLIPPERS 121, SUNS 111

Bumira si Marcin Gortat ng season highs 18 points at 13 rebounds, at napalawig ng bumibisitang Los Angeles ang head-to-head winning streak nito laban sa Phoenix sa 11 games.

Gumawa sina Danilo Gallinari at Lou Williams ng tig-21 points, nagposte sina Tobias Harris at Patrick Beverley ng tig-16, at umiskor si  Montrezl Harrell ng  15 para sa Clippers.

Tumipa si Devin Booker ng  23 points at nagdagdag si T.J. Warren ng  20 para sa Suns, na nalasap ang ika-5 sunod na talo.

Kumabig si Richaun Holmes ng 16 points mula sa bench, at tumapos sina Mikal Bridges, Jamal Crawford at Josh Jackson na may tig-10 points para sa  Phoenix.

PACERS 119,

BULLS 116 (OT)

Nagpasabog si Victor Oladipo ng game-high 36 points, kabilang ang isang  3-pointer, may 1.2 segundo ang nalalabi sa over-time, nang gapiin ng bumibisitang Indiana ang Chicago.

Sumandal si Oladipo sa go-ahead shot upang ibigay sa Indiana ang ika-6 na sunod na panalo nito.

Nag-ambag si Domantas Sabonis ng double-double na may 23 points at 12 rebounds  para sa Pacers. Nagtala rin sina Thaddeus Young (16 points), Bojan Bogdanovic (13) at Tyreke Evans (10) ng double digits.

Nanguna si Zach LaVine para sa Bulls na may 31 points. Nagdagdag si Lauri Markkanen ng 27 points at 9 rebounds, at tumapos si Kris Dunn na may 16 points at 17 assists para sa Chicago,  na natalo ng tatlong sunod.

Sa iba pang laro ay pinaso ng Heat ang Wizards,  115-109; sinakmal ng Timberwolves ang Magic, 120-103; nasilo ng Nets ang Grizzlies, 109- 100; at pinataob ng Jazz ang Cavaliers, 117- 91.

Comments are closed.