DAHIL malaking bahagi ng P4.5 trilyong 2021 national budget ay nakatuon sa pagpapalakas ng ating sistemang pangkalusugan, dagdag na pondo rin ang inilaan sa kapakanang pangkalusugan ng mga bata.
Sa ilalilm ng bagong budget, kabuuang P900 milyon po ang idinagdag sa pondo ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC) matapos po nating igiit na ang kahalagahan ng kalusugan ay walang pinipili. Layunin po natin dito na masigurong mabibigyan ng kaukulang atensiyong medikal ang mga batang pasyente, lalo na ang mga mula sa pinakamahihirap na pamilya na hindi kayang tustusan ang pagpapaospital.
Mula pa po noon ay malaki na ang pagsuporta natin sa PCMC dahil nakikita natin ang kahalagahan na siguruhing malusog ang ating mga kabataan, partikular ang mga sanggol at ang mga batang nasa kanilang growing years.
Iginiit po natin ang dagdag na pondo sa PCMC para matiyak na may sapat silang pondo para sa mga bagong hospital equipment, sa konstruksiyon ng pediatric rehabilitation center at para nga po matulungan ang indigent patients na wala talagang kakayahang magbayad sa pagpapagamot.
Hindi po matatawaran ang serbisyo ng PCMC sa paniniguro sa kalusugan ng mga bata. Kaya tiniyak din natin na hindi sila maiiwan sa mga programa ng gobyerno at para magtuloy-tuloy pa ang kanilang pag-agapay sa mga bata, lalo na sa mga panahong ito, na binabalot ang mundo ng kung ano-anong karamdaman.
Sa pamamagitan po ng dagdag-pondo na iyan na inilaan natin sa PCMC, magkakaroon na ng dagdag-kakayahan ang institusyong ito na isailalim sa chemotherapy ang mga batang cancer patients. At ang magandang balita, ang kanilang chemotherapy po ay libre sa buong taon.
At kung dati ay nakikipila rin sa specialty hospitals tulad ng Heart Center ang mga batang nangangailangan ng heart surgery, ngayon, may kakayahan na rin ang PCMC na tumanggap ng mga batang nangangailangan ng operasyon sa puso. Hindi na sila kailangang maghintay nang matagal sapagkat may kaukulan nang pondo ang pagamutang ito para sa mga ganitong proseso. Hindi po kailangang ilagay sa alanganin ang buhay ng mga bata kaya nararapat lamang na gumawa tayo ng kaukulang paraan para sila ay maisalba sa anumang karamdaman.
At tulad nga po ng sinabi natin, may pondo na rin para sa konstruksiyon ng pediatric rehab center ang PCMC na ilalaan sa mga batang may iba’t ibang health conditions. Nariyan ang mga batang may neurologic disorders, spinal cord injuries, at musculoskeletal conditions. Iyan ang mga kondisyong malaking sagabal sa kalusugan at sa growth development ng mga bata.
Ang PCMC po na isang specialty hospital para sa mga bata at nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Health ay hindi lamang 200-bed hospital kundi nagkakaloob din ng training programs para sa mga medical at healthcare provider.
Bilang chairman po ng Committee on Finance sa Senado, malaki po ang pagsuporta natin sa pagpapalakas sa kakayahan ng ating government hospitals, maging anumang kapasidad ito. At para mapaigting ang ating layunin, tayo po ay nagpanukala, ang Senate Bill 698 na naglalayong bigyan ng awtorisasyon ang DOH na sila na mismo ang mag-apruba sa bed capacities at service capabilities ng mga ospital na nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa.
Comments are closed.