IPINAKITA ng Filipinas na habang may pagbaba sa ekonomiya sa ibang bahagi ng mundo ay mayroon namang positibo at kahanga-hangang paggalaw ang ibang lungsod sa Asya at isa na rito ang Maynila.
Ito ay makaraang hirangin ang kapitolyo ng Filipinas bilang pangwalo sa mga siyudad sa buong mundo na mabilis ang pagkilos.
Labis na ikinatuwa ni Manila Mayor Isko Moreno ang ulat ng City Momentum Index 2020 ng JLL Global Research na: ‘Manila currently sits in its highest ever position, on the back of an advantageous demographics, a robust domestic economy and a skilled talent base (which) are supporting a dynamic real estate market.’
Ang City Momentum Index 2020 ng JLL ay kumikilala sa world’s most dynamic cities mula sa real estate perspective.
“Manila, which is one of the three Southeast Asian cities in the Global Top 20, ranked 12th in last year’s edition, and 18th in the 2018 City Momentum Index,” nakasaad pa sa report.
Bunsod nito, pinasalamatan ni Moreno ang lahat ng opisyal at kawani ng Manila City Hall, gayundin ang mamamayan ng lungsod.
“Palakpakan ninyo ang inyong sarili… nawa ay patuloy kayong makiisa,” pahayag ni Moreno.
Binigyang-diin ni Moreno na natamo ng lungsod ang ganitong pagkilala dahil sa pagtutulungan at kooperasyon ng mga mamamayan ng Maynila.
Ayon sa alkalde, ang bagong tagumpay ng Maynila ay patunay ng positibong pagkilos ng mga opisyal ng lungsod na maibalik ang kaayusan ng pamamahala sa buong lungsod. Magsilbi aniyang ispirasyon ito sa lahat ng Manileño upang maabot nito ang ika-7 puwesto sa susunod na taon.
“Para lang ‘yang walis-tingting. ‘Pag isa lang, madaling baliin pero ‘pag madami, matibay at pupuwedeng magamit para malinis ang suliranin ng pamayanan. Be part of it (changes) kasi sayang ang pagkakataon na kayo ay makatulong sa bayan,” ayon pa kay Moreno. VERLIN RUIZ