MCCOY DE LEON, ELISSE JOSON NAG-AWAY, NAGBATI

KAHIT daw anong problema ay kayang lusutan ngayon ng magkarelasyong sina McCoy de Leon at Elisse Joson dahil sa anak nilang si Baby Felize. Kuntento na raw sila sa buhay dahil mas masaya pala pag magkakasama sila.

Ani McCoy, mala-pelikula ang love story nila ni Elisse na nasubaybayan ng publiko sa loob ng limang taon, mula sa kilig moments nila bilang housemates sa Pinoy Big Brother Lucky 7. Naghiwalay sila at nagkabalikan at nagkaroon ng cute baby girl.

Aniya, “May time sa relationship na nagdalawang-isip kami. Siguro na-confuse lang. Pero diretso pa rin. Awa ng Diyos, nagkaintindihan naman kami.”

Naging totohanan ang relasyon nila kahit tapos na ang PBB, pero nagkalabuan sila noong March 2018 at naghiwalay noong January 2019.

Nakaramdam raw si McCoy ng emptiness kaya nanligaw siya uli kay Elisse. At heto  nga, sila na uli at may anak na sila.

Ayaw raw nilang makaapekto sa kanilang pagsasama ang kanilang trabaho kaya hanggang maaari at honest sila sa pang-araw-araw na pangyayari lalo na kung alam nilang makaaapekto sa kanilang pamilya. Kaya kahit lock-in ang shooting o taping, nagtatawagan sila-araw-araw. – – KAYE NEBRE MARTIN