CAMP AGUINALDO – MISTULANG isinunod lamang ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na “little maritime accident” lamang ang pagsalpok ng isang barko sa bangkang pangisda ng 22 Filipino sa Recto Bank malapit sa West Philippine Sea noong Hunyo 9.
Ito ay dahil sa mahigit isang linggong imbestigasyon at palitan ng opinyon, ay muling nagsalita ang kalihim at sinabing aksidente lamang ang pagbangga ng aniya’y Chinese vessel sa bangkang Pinoy.
Sinabi ng kalihim, ang kanyang judgement ay batay sa impormasyong nakuha nila sa crew ng FB Gem Vir 1 o sa mga mangingisda at naniniwalang hindi sinadya at nasagi lamang.
Hindi na rin aniya kailangang gamitin ang mutual defense treaty na paiiralin lamang kapag may pag-atake sa karagatan.
Una nang nagpahiwatig ng pagdududa ang Malacañang sa pahayag ng crew ng FB Gem Vir 1 dahil magkaiba ang mga ito.
Sinabi ng kapitan ng fishing boat na si Junel Insigne na mga Tsino ang bumangga sa kanila dahil sa signature ng ilaw ng barko habang sinabi ng cook na si Richard Blaza na hindi sila sigurado.
Napaulat din na lumutang agad ang bangka at batay sa viral na larawan ng FB Gem Vir 1 ay hindi naman nawasak kundi maayos ang pagkakaputol ng bahagi nito habang ang mga nabingwit na isda ay naiuwi rin ng mga Pinoy. EUNICE C.
Comments are closed.