HANGZHOU, China — Palaban sa tanso-pilak si Jericho Francisco Jr. patungo sa third and last run niya, pero nadulas sa patapos na bahagi ng takbo para sumablay sa medalya, pumang-apat sa 19th Asian Games skateboarding men’s park finals Lunes ng hapon sa Qiantang Roller Sports Centre sa Zhejiang Province dito.
Nakopo nina home bet Ye Chen at Japanese Yuro Nagahara at Kensuke Sasaoka ang ginto, pilak at tansong medalya sa best scores na 84.41 (second run), 84.00 (third run) at 83.66 (3rd run), ayon sa pagkakasunod-sunod.
May 83.58 si Francisco na ipinoste niya sa pangalawang takbo na naging best score na rin niya dahil sa aksidente ng pagkadulas sa eight-man finals. Tumersera siya heats noong Linggo
Maaari pa niyang mapataas ang 2nd run points kundi sa disgrasya dahil bago ang third run ay pumapangalawa siya sa standing saka nilampasan ng dalawang Hapones pagkabagsak sa huling iskor.
Ang tropa niyang si Mazel Paris Alegado, 9, ay pumampito ulit sa women’s finals sa 52.85 markers, gaya ng posisyon niya sa heats.
Itinatak ng posibleng pinakabatang kalahok sa quadrennial continental sportsfest na ito ang unang pasada pa lang na naging pinakamataas na niyang puntos dahil sa 24.83 at 24.50 sa mga sumunod.
Gold winner si Nippon HInano Kusaki (88.87, last run) samantalang silver-bronze medalists sina Chinese Yujuan Li (85.48, last run) at Jiasi Mao (80.46, last run), ayon sa pagkakasunod.
Rarampa na ngayong Martes sina Margielyn Didal, Mark Renzo at John Flory sa women’s at men’s street heat.
Si Didal ang defending champion sa kanyang event makaraang hablutin ang ginto sa 2018 Jakarta-Palembang Asiad.