MERALCO, KAISA NG PAMAHALAAN SA NATION-BUILDING

BUONG SUPORTA PARA SA MGA PROYEKTONG PABAHAY. Nakipagtulungan ang Meralco sa Department of Human Settlements and Urban Development, ­National ­Housing Authority, at Social Housing Finance Corporation upang ­magkaroon ng ­suplay ng kuryente sa mga proyektong pabahay ng gobyerno sa ilalim ng ­Pambansang ­Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program. Makikita sa larawan ay sina (L-R) Meralco ­Senior Vice President at Chief Revenue Officer Ferdinand O. ­Geluz, Meralco ­Executive Vice ­President at Chief Operating Officer Ronnie L. Aperocho, ­Department of ­Human ­Settlements and Urban Development Secretary Jose ­Rizalino L. Acuzar, ­National ­Housing Authority General Manager Joeben A. Tai, at Social ­Housing Finance ­Corporation ­President and Chief Executive Officer Federico A. Laxa.

Batid ang kahalagahan ng papel na ­ginagampanan ng pribadong sektor sa ­nation-building, ­patuloy pa ang Manila Electric Company (Meralco) sa pagpapaigting ng pagsuporta nito mga inisyatibo at programa ng pamahalaan.

Nakipagtulungan kama­kailan ang kumpanya na pinamumunuan ni Manuel V. Pangilinan sa Department of Human Settlements and Urban Deve­lopment (DHSUD) para matiyak na mayroong mapagkukunan ng de-kalidad at maasahang serbisyo ng kuryente ang mga proyektong pabahay at benepisyaryo ng pamahalaan.

Pumirma ng Memorandum of Understanding (MOU) ang Meralco, DHSUD, at mga sa­ngay na ahensyang ito, National Housing Authority (NHA) at Social Housing Finance Corpo­ration (SHFC) para pormal na suportahan ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) program na nag-aalok mga abot-kayang pabahay na may mas mababang buwanang hulog para sa mga Pilipinong manggagawa. Layunin nito na ma­bigyan ng oportunidad ang mga benepisyaryo ng 4PH na bukod sa tahanan, makinabang rin sila sa maasahang serbisyo kuryente

Napakahalaga ng pagkakaroon ng kuryente sa mga proyektonng pabahay para matiyak na maayos ang kalagayan ng mga benepisyaryo sa kani-kanilang tahanan, ayon kay SHFC President at Chief Executive Officer Federico A. Laxa.

Sinang-ayunan naman ito ni DHSUD Secretary Jose Rizalino L. Acuzar na nagsabing makakatulong ang Meralco sa 4PH program upang lalo pa nitong mapabuti at maiangat ang kabuuang kalagayan ng mga Pilipino lalo na ang mga maralita  sa pamamagitan ng pagbibigay ng abot-kaya at de-kalidad na lugar na matatawag nilang sarili nilang tahanan na nasa  loob ng pa ng “sustainable community”.

Magpapatupad ang Meralco kasama ang DHSUD, NHA, at SHFC ng mga information campaign tungkol sa pagtitipid ng kuryente at pampublikong kaligtasan.

Bukas din ang mga nasabing ahensya sa iba pang mga programa, kagaya ng renewable energy, na maari ring gamitin para sa mga iba pang proyektong pabahay ng pamahalaan sa hinaharap.

Mula noong 2020, nakapaghatid na ng liwanag ang Meralco sa  higit 72,000 na kabahayan sa bahagi ng Batangas, Bulacan, Cavite, Laguna, Metro Manila, Quezon, at Rizal na bahagi rin ng social housing program.

Ayon kay Meralco Executive Vice President at Chief Opera­ting Officer Ronnie L. Aperocho, maigting at patuloy ang pagsuporta ng Meralco pagsisikap ng pamahalaan na itaas ang kalagayan ng pamumuhay ng mga Pilipino. Layunin ng kumpanya na makapaghatid ng serbisyo ng kuryente  kasama na rito ang mga benepisyaryo ng 4PH program.

Pagpapabuti sa sektor ng transportasyon

Kasabay naman ng paglago ng transportasyon ang paglago ng ekonomiya, kaya naman napakahalaga na mayroong ma­a­yos na sistema ng transporta­syon ang bansa.

Kasalukuyang nakikipagtulungan din ang Meralco sa Department of Transportation (DOTr) sa paglilipat ng mga poste ng kuryente upang magbigay daan sa mga malalaking railway project ng gobyerno. Sinabi rin ng power distributor na natapos na nito ang kalahati ng mga work order para sa pole relocation program na nakatakdang matapos ngayong taon.

Mahigit 300 na natitirang poste ang nakatakda pang ilipat ng Meralco ngayong taon upang hindi makahadlang ang mga ito sa mga programang pang-transportasyon.

Kasama sa mga nakikinabang dito ay ang mga rail projects gaya ng North-South Commuter Railway (NSCR – N1) mula Maynila hanggang Malolos, Bulacan; NSCR – N2 mula Malolos hanggang Clark, Pampanga; NSCR – SC mula Maynila hanggang Calamba, Laguna; Metro Manila Subway Project; LRT Line 1 Cavite Extension Project, MRT 7; at ang Unified Grand Central Station.

Tiniyak din ni Meralco Senior Vice President and Chief Revenue Officer Ferdinand O. Geluz sa mga opisyal ng DOTr na kaagapay nito ang Meralco sa mga railway projects na gagawin ng gobyerno.

Aniya, mayroong regular meeting na isinasagawa upang masiguro na ang lahat ng proyekto ng DOTr ay masusuportahan ng Meralco; mula sa pag-relocate hanggang sa pagbibigay kuryente sa mga imprastraktura nito.

Noong Pebrero, nagtulungan ang kumpanya at ang nasabi­hing ahensya para sa pagtatayo ng isang bagong 115-kV switching station na magbibigay ng maasahan at sapat na kuryente para sa Metro Manila Subway Project na nakatakdang matapos sa 2026. Ito ang kauna-unahang underground railway system ng bansa na kokonekta sa distribution network ng Meralco.

Naglahad din ng buong suporta si Aperocho sa layunin ng proyektong maisaayos ang sistema ng transportasyon at mapabuti ang kapakanan ng libo-libong komyuter sa bansa.

Ayon kay Aperocho, nagbigay-daan ang pagtutulungan ng Meralco at DOTr para masiguro ang maayos na implementasyon ng mga proyekto,

Kinikilala rin ng Meralco ang kahalagahan ng matatag at makabuluhang kolaborasyon sa pagitan ng pampubliko at pribadong sektor na magdudulot ng napakalaking benepisyo para sa mga pasahero.

Patunay ang ­pagtutulungang ito sa patuloy na suporta ng power distributor para sa mga programa ng gobyerno na may adhikaing mapabuti pa ang sistema ng transportasyon at mapagaan ang buhay ng mga pasahero. Kasama ito sa mga prayoridad ng administrasyon sa ilalim ng socio-economic agenda.

Patuloy na magiging kaagapay ng gobyerno ang Meralco sa pagsusulong ng mga inisya­tibong naglalayong mapabuti at mapagaan ang kalidad ng pamumuhay ng mga Pilipino. Handang tumulong din ang kumpanya sa bawat hakbang ng pamahalaan, mula sa pagpapatayo ng mga imprastraktura, hanggang sa pagbibigay ng kuryente rito hindi lamang sa 7.9 milyong customers nito kundi para rin sa mamamayang Pilipino at para sa bansa.