MERALCO MAG-IISYU NG 2 BILLS NGAYONG BUWAN

Meralco

MAKATATANGGAP ang milyon-milyong customers ng Meralco na hindi nakapagbayad ng kanilang nakonsumong koryente mula Marso hanggang Mayo ng dalawang bills ngayong Hunyo.

Sa isang briefing, sinabi ni Agnes Macob, head ng commercial operations ng Meralco,  na bukod sa regular bill, ang mga consumer ay tatanggap din ng ‘installment payment plan’ bill na naglalaman ng halaga na kailangang bayaran tuwing  ika-15 ng buwan hanggang mabayaran nang buo ang dues.

Sa ilalim ng installment payment plan, ang mga kabahayan na kumonsumo ng 200 kWh at pababa ay may anim na monthly installments, habang ang mga kumonsumo ng 201 kWh at pataas ay maaaring  magbayad ng hulugan sa loob ng apat na buwan.

Sa parehong briefing ay sinabi ni Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga na nasa 2.8 million, o 40 percent ng kanilang customers ang matatanggap na ang kanilang June bill na nagpapakita sa kanilang aktuwal na nakonsumo sa nakalipas na apat na buwan.

Ayon kay Zaldarriaga, ang due date para sa one-fourth ng total bill ng consumer para ngayong buwan ay sa Hunyo 30.

Ang balanse ay hahatiin sa apat o anim, depende sa installment payment plan ng bawat consumer, kung saan ang unang patak ay dapat bayaran sa Hulyo 15.

Nangako naman si Macob na magiging ‘very considerate’ sila sa mga susunod na buwan sa mga customer na hindi makakapagbayad ng kanilang  dues, at tiniyak sa mga ito na hindi sila mapuputulan ng power supply.

Comments are closed.