MGA BIKTIMA NG LEPTOS DUMAMI

Iniulat ng Department of Health (DOH) na mayorya ng mga nasawi sa leptospirosis ay mula sa Metro Manila kasunod ng paglobo ng kaso bunsod ng malawakang pagbaha dala ng nagdaang bagyong Carina at Habagat noong nakalipas na buwan.

Ayon kay DOH Assistant Secretary Albert Domingo, nasa 43 katao na ang nasawi dahil sa leptospirosis kabilang ang 41 adults at dalawang bata. Hindi naman idinetalye ng opisyaang eksaktong bilang ng nasawi sa rehiyon.

Base naman sa datos mula Agosto 8 hanggang 13, nasa 523 na bagong kaso ng leptos ang naitala sa mga ospital ng DOH sa buong bansa kung saan 423 dito ay adults habang 100 kaso ay mga bata.

Kaugnay nito ay nilinaw ng Department of Health na hindi nagkukulang  ang mga kama sa mga ospital para sa mga pasyenteng tinamaan ng leptospirosis.

Paliwanag ni  Asec. Domingo bagamat halos mapuno na ng mga pasyenteng may leptos ang nakalaang kama para sa mga ito sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) at sa San Lazaro Hospital sa nakalipas na araw, agad namang natugunan ito sa pamamagitan ng pag-refer sa mga pasyente sa ibang ospital.

Nauna nang ipinag-utos ng DOH ang activation ng surge capacity plan sa mga ospital sa Metro Manila kung saan mas maraming mga kama ang inilaan ng mga ospital para sa mga kaso ng leptos.

Sa datos ng DOH, may kabuuang 1,444 leptospirosis cases na ang naitala ngayong taon mula Enero 1 hanggang Hulyo 27. Ito ay 42% na mas mababa kumpara sa naitalang mahigit 2,000 sa parehong period noong nakalipas na taon.