BULAKAN, Bulacan—Ang mga natitirang nakatira sa Barangay Taliptip na pagtatayuan ng P740-billion Manila International Airport ay nakalipat na sa kanilang bagong gawang bahay sa Barangay Bambang bago pa man dumating ang bagyong si Rolly.
Ayon sa mangingisda na si Teody Bacon at ibang pang kapitbahay niya na taga-Sitio Kinse, hindi na nila katatakutan ang malakas na hangin at alon sa paglipat nila noong Oktubre 31.
“Sa bahay namin sa Kinse halos nagdadadasal na lang kami na hindi maanod ng malalakas na hampas ng alon ang aming mga bahay. Nakasanayan na nga naming makipaglaro sa hampas ng alon. Sa bagong bahay namin siyempre ay masaya na kami, kasi hindi na namin dadanasin ang hampasin ng malalaking alon ang mga bahay,”sabi ni Bacon.
Nagpapasalamat si Bacon sa San Miguel Corporation sa pagtulong nito sa paghahanap ng 437-square meter na lupa na pinagtayuan ng anim na bahay na umabot din ang pagpapatayo ng halos tatlong buwan. Mayroon na rin silang koryente at tubig sa bago nilang tahanan.
“Nagkaroon naman kami ng konkretong bahay na may titulo, may tubig at koryente. Salamat sa SMC sa pag-alalay nila sa amin mula sa paghahanap ng lote, pagpapatayo ng bahay, at pag-aasikaso sa pagta-transfer ng titulo at higit sa lahat sa pag-aasikaso na magkaroon kami ng sariling tubig at koryente. Kung kami lang siguro ang nag-asikaso, baka ni isang papel wala pa kaming naaasikaso,” aniya.
Kahit pa nakasalalay pa rin sa pangingisda ang kabuhayan, bukas na si Bacon at iba pang residente na mag-aral sa TESDA upang madagdagan ang kanilang pagkakakitaan.
“Pangingisda pa rin din ang pagkukukunan ko ng ikabubuhay kasi iyan na ang nakasanayan namin, at malawak naman ang karagatan. Pero kami po at ang mga misis namin ay gustong mag-aral sa TESDA. Hindi lang kami umabot sa first batch dahil kasalukuyang ginagawa ang mga bahay noon,” wika niya.
Ang naturang kurso sa TESDA ay upang mapaghandaan ng mga taga-Taliptip at taga-Bulacan ang mga benepisyon na trabaho at negosyo habang pinagagawa ang airport at kapag bukas na ito.
Kasama sa ma kurso ang Shielded Metal Arc Welding, Electrical Installation and Maintenance, at Heavy Equipment Operations. May mga kurso rin tulad ng dressmaking and cookery para doon sa mga gustong magtayo ng sarili nilang negosyo. Magtatapos na ang unang batch ng mga TESDA student ngayong Nobyembre.
“We are happy to provide better homes and opportunities to Bulacan residents, particularly residents of Barangay Taliptip. They are now given the chance to rebuild their lives. You can’t help but feel sad when you see their previous homes but we admire them for their strength and resilience. This strengthens our commitment to help them and make sure they will really have a better future,” wika ni SMC president at COO Ramon S. Ang.
May kabuuang bilang na 277 na may-ari ng konkreto at hindi konkreto na bahay ang nabigyan ng cash assistance. Umaabot sa 364 na beneficiaries ang nabigyan ng cash assistance.
Sa tulong ni Malolos Bishop Dennis Villarojo ay ibinigay rin ang total appraised cash value ng mga abandonadong chapel sa Sitio Pariyahan, Sitio Dapdap, Sitio Bunutan, and Sitio Capol sa 242 residente ng naturang mga sitio.
May mga nanatili sa Bulacan ngunit may mga lumipat din sa kanilang probinsya sa Samar, Negros, Nueva Ecija, Sorsogon, Mindoro, Masbate, Camarines Sur, Malabon, Bataan Valenzuela, Paranaque, Dumaguete, at Albay.
Comments are closed.