BUONG matatanggap ng may 1.5 milyong government employees ang kanilang mid-year bonus.
Umaabot sa P36.2 bilyon ang inilaang pondo para sa mid-year bonus ng mga kawani ng pamahalaan.
Ayon kay Senador Sonny Angara, chairman ng senate committee ways and means na sa ilalim ng Republic Act 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, ang 13th month pay at iba pang benefits, kasama na ang productivity incentives at Christmas bonuses ay pawang exempted sa tax na hindi lalampas sa P90,000.
“Magandang balita ito para sa ating government employees lalong-lalo na sa mga magulang na naghahanda ngayon para sa en-rollment ng kanilang mga anak. Malaking bagay ito na makatutulong sa pangtustos sa pag-aaral at iba pang gastusin ng pamilya,” ani Angara.
Bago ang TRAIN, isinulong na ng senador ang batas na taasan ang tax exemption ng 13th month pay at iba pang benepisyo na mula sa P30,000 ay ginawang P82,000 noong 2015.
Nakapaloob ito sa Executive Order No. 201 na naglalayong ipagkaloob ang midyear bonus o 14th month pay na katumbas ng isang buwang suweldo ng kawani ng pamahalaan.
“Mas malaki na ang maiuuwing bonus ngayon ng ating mga kawani ng pamahalaan dahil hindi na kakaltasan ng buwis ito kung hindi tataas sa P90,000. Buong-buo nang makukuha ng government employees ang kanilang mid-year bonus na mapakikinabangan ng kani-kanilang pamilya,” giit ni Angara. VICKY CERVALES
Comments are closed.