LAGUNA – TIMBOG sa buy bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Intelligence Branch (PIB) at Provincial Drug Enforcement Unit (DEU) ang isang ginang na napapabilang sa Priority High-Value Target (HVT) ng Laguna Police kaugnay ng pagtutulak umano ng droga kasama ang isa pa nitong kaanak sa Sitio Silang, Brgy. Bunggo, lungsod na ito kamakalawa ng gabi.
Batay sa ulat ni PIB Chief Supt. Denis Macalintal kay Acting Laguna PNP Provincial Director, Sr. Supt. Kirby John Kraft, magkasunod na naaresto ang itinuturong target na si Joy Villegas at kaanak nitong si Racel Perez na sinasabing runner sa pagbebenta ng ilegal na droga sa lugar.
Dakong alas-9:10 ng gabi nang magkasa ng buy bust operation sina Macalintal, PIB Team Leader PCI Ricardo Dalisay at kanilang mga tauhan habang isa sa mga ito ang nagpanggap na buyer.
Dahil dito, nagawa pa umanong magmakaawa sa mga pulis ng runner na si Perez habang pinoposasan samantalang ang target na si Villegas ay tahimik lamang habang iniimbentaryo ang nakumpiskang mga droga sa kanya.
Nakumpiska sa loob ng kanyang bahay ang 18 maliliit na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang street value na aabot sa P25,000.
Bukod dito, nakumpiska rin ang anim pang medium heat sealed transparent plastic sachet na may kabuuang halaga na P150,000, marked money at drug money na P2,660.
Kabilang pa sa mga nakumpiska sa lugar ang isang caliber 45 pistola, Marlin Rifle, cal. 357, isang homemade Smith & Wesson cal. .38 revolver, at mga bala.
Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa Provincial Police Office (PPO) kung saan pawang nahaharap ang mga ito sa paglabag sa Section 5 in Relation to Section 26 and 11 of RA-9165 at pag-iingat sa matataas na kalibre ng baril. DICK GARAY
Comments are closed.