TAMANG player sa tamang pagkakataon si Joel Lee Yu para malusutan ng GlobalPort-MisOr ang host Pagadian, 79-77, Biyernes ng gabi sa Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao Challenge sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga Del Sur.
Ratsada ang Pagadian sa final period, sa pangunguna ni Glenn Acaylar, para makumpleto ang paghahabol mula sa 62-70 tungo sa 77-74 bentahe, may 40.2 segundo ang nalalabi sa laro.
Sa krusyal na sandali, umigpaw ang tikas ni Yu sa naiskor na limang sunod na puntos, tampok ang short jumper para ibigay sa MisOr Valientes ang 79-77 bentahe. May pagkakataon ang Explorers na maipuwersa ang laro sa overtime, subalit sumablay ang tira ni John Quimado sa buzzer.
Kumubra si Yu ng 13 puntos, limang rebounds at limang assists para mahila ang marka ng Valientes sa 3-1, habang bumagsak ang Explorers sa 2-3.
Sa ikalawang laro, nadominahan ng Roxas ang Iligan, 89-79.
Nagawang maidikit ng Iligan ang iskor sa 76-80 mula sa three-pointer ni Eugene Torres, may 4:39 sa laro. Ngunit naging matatag ang Roxas sa krusyal na sandali sa pangunguna nina James Martinez, Marlon Monte, at Jon Valin.
Hataw si Monte sa kinamadang 20 puntos para sa Roxas, habang tumipa sina Martinez at Tabi ng pinagsamang 23 puntos para sandigan ang Vanguards sa 2-2 marka at makatabla ang Pagadian at Zamboanga Sibugay, habang sadsad ang Archangels sa 1-4 karta.
Iskor:
(Unang Laro)
MisOr (79) – Lee Yu 13, Cervantes 13, Caranguian 12, Nalos 11, Salcedo 9, Baracael 7, Ballesteros 5, Ubalde 3, Meca 3, Estrella 2, Agbong 1, Gonzales 0.
Pagadian (77) – Fuentes 19, Mag-isa 14, Acaylar 12, Quimado 12, Ibañez 10, Caballero 6, Saludsod 4, Pepito 0, Dechos 0, Demapiles 0, Baldeo 0, Tolentino 0, Uri 0, Diaz 0.
QS: 16-19, 30-34, 60-51, 79-77.
(Ikalawang Laro)
Roxas (89) – Monte 20, Bonleon 17, Tabi 12, Martinez 11, Mabigat 10, Segura 8, Valin 6, Adante 3, Dela Cruz 2, Gimpayan 0, Abanto 0.
Iligan (79) – Torres 17, Benitez 15, Quinga 8, Cuyos 8, Salo 7, Villanueva 7, Tamayo 7, Rivera 4, Daguisonan 4, Bautista 2, Cruz 0, Dela Rea 0, Cecilio 0, Aparice 0.
QS: 33-23, 59-54, 75-71, 89-79.