MIYEMBRO NG KATUTUBONG “BAGO” SA KALINGA, ISA NANG GANAP NA TESDA TRAINER

TULAD ng maraming mamamayang Pilipino, ang Technical Education and Skills Development Authority o TESDA din ang nag-silbing daan kay Debie Manuel para mapalawak ang kanyang kaalaman sa larangan ng tech-voc, magkaroon ng trabaho at ma­ging matagumpay sa buhay.

Debie ManuelDating nagsilbi bilang intern si Debie sa ilalim ng Government Internship Program sa Provincial Training Center o PTC-Kalinga kung saan ay natuklasan nito ang mga kursong maaari niyang pasukan sa TESDA.

Pinagsabay ni Debie ang pagiging intern at ang kanyang pagsasanay sa kursong Bread and Pastry Production NC II. Siya ay pumapasok ng alas 8:00 nang umaga hanggang alas 5:00 nang hapon bilang intern at sa gabi naman ay bilang isang scholar.

Kalaunan, si Debie na isang kasapi ng katutubong “Bago”, ay nakapagtapos sa kursong Bread and Pastry Production NC II sa PTC-Kalinga sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program ng TESDA na siyang nagbibigay ng libreng training at assessment para sa mga TESDA scholars.

Para kay Debie, naging bahagi na ng kanyang kapalaran ang TESDA kung kaya’t sa kabila ng nakapagtapos na ito sa kursong BS Education Major in Math, ay nag-aral pa rin siya ng Bread and Pastry Production NC II at ng iba pang vocational courses na inaalok ng ahensya tulad na lamang ng Event Management Services NC III at Trainer’s Metho­dology I.

Maliban dito, na­ging aktibo din si Debie sa pagkakawang-gawa gamit ang kaniyang mga natutunan sa TESDA. Sa katunayan, isa siya sa mga gumawa ng cookies para sa mga biktima ng Taal Volcano Eruption kasama ang kayang mga trainees.

Ngayon, isa nang trainer at assessor ng kursong Bread and Pastry Production NC II si Debie at empleyado na rin ng PTC – Kalinga. Minsan na rin itong naimbitahan upang maging hurado sa K-12 Regional Skills Competition ng DepEd-Kalinga.

Ayon kay Debie, ang kanyang kasanayan at suporta ng kanyang pamilya ang naging puhunan niya para maging isang matagumpay na trainer at assessor ng TESDA na siya ring naging daan para maibahagi ang kanyang mga natutunan sa mga TESDA scholars.

Comments are closed.