MAS maraming investors ang papasok at mas maraming trabaho ang malilikha para sa mga Filipino kapag naipasa ang inamyendahang Public Service Act na may 81 taon nang ipinatutupad.
Ayon kay Senadora Grace Poe, sa panukalang pag-amyenda sa Public Service Act ay pinapayagan ang mga dayuhang negosyante na pumasok at mamuhunan sa bansa.
Sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public services, na ang naturang panukala ang magbubukas sa tamang daan para sa ekonomiya.
“I-o-open up natin ang ating ekonomiya sa mga foreign investor. Huwag matatakot ang ating mga kababayan na papasok ang dayuhan sapagkat hindi naman ako papayag na bumili sila ng lupa rito. Pero ang negosyo na itatayo nila, hindi naman nila madadala ang gusali nila, kung sila ay magbibigay ng trabaho, kung mag-iinvest sila ng pera rito dahil ang ownership restriction ay tatanggalin sa kanila,” anang senadora.
Sa ilalim ng panukala, aalisin ang foreign ownership restrictions na may kinalaman sa public services gaya ng transportation at telecommunications. Subalit mananatili ang constitutional restriction sa public utilities tulad ng transmission of electricity, distribution of electricity, water works at sewerage systems.
Nakapaloob din sa panukala ang garantiyang trabaho para sa mga Filipino kung saan sa pinakahuling ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang jobless rate ay bumaba sa 5.5 percent nitong Abril samantalang ang underemployment ay tumaas sa 17 percent.
“Isa sa mga itinutulak ko at sana ay maitulak rin ito ng Malacanang, katulad ng pagtutulak nila ng ibang measures katulad ng TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) at BBL (Bangsamoro Basic Law), na ipasa na ang Public Services Act,” diin ni Poe.
Ayon pa sa senadora, kinakailangan ng bansa ng mamumuhunan sa sektor ng transportasyon gaya ng train at paliparan kung saan inihalimbawa niya ang katatapos lamang na Terminal 2 (T2) ng Mactan Cebu International Airport (MCIA) sa Lapu-Lapu City na maaaring ipagmalaki na ‘masterpiece’ ng lalawigan ng Cebu.
Bubuksan na ngayong buwan ang nasabing world-class terminal sa ilalim ng Public Private Partnership (PPP) project na joint venture ng Megawide Consortium at India’s GMR Infrastructure at nagkakahalaga ng P17.52 billion.
Ang bagong terminal building ay bukas sa domestic at international operations na ang kapasidad ay may 12.5 milyong pasahero taon-taon.
Pabor din ang senadora na magkaroon ng PPP or build-operate-transfer kaysa sa ODA (Official Development Assistance) dahil hindi na uutang sa pamahalaan kundi ang investors na ang maglalabas ng pera at sila ang magpapatakbo. VICKY CERVALES
Comments are closed.