MOTEL NI ROSE LIN SA QC SINALAKAY

SASAMPAHAN ng patong-patong na kaso ng Philippine National Police (PNP) ang isang motel-apartelle na sinasabing pagmamay-ari umano ni Pharmally executive Rose Lin matapos i-trap ang mga pulis sa elevator para makatakas ang drug lord na sinasabing nagkukuta sa lugar. 

Nahaharap sa kasong coercion, unjust vexation at obstruction of justice ang Chinese nationals na sinasabing may-ari ng Eros Inn sa Barangay Novaliches Proper, Quezon City.  Front lang diumano ang mga naturang Chinese at siya ang tinuturong tunay na may-ari ng suspected drug den at POGO hub na ito.

Nagsagawa ng buy-bust operations ang PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong naka­raang linggo sa Eros Inn dahil sa mga positibong report na ginagawa umano itong bentahan at gamitan ng ilegal na droga partikular na ng shabu. Mahuhuli na sana ang target ng operasyon ngunit tila sinadya umanong ikulong ang mga pulis sa elevator sa loob ng dalawang oras kaya nakatakas ang mga suspek.

Matagal nang minamanmanan ng mga otoridad ang Eros Inn dahil sa mga sumbong na dumadami ang mga kahina-hinalang foreigner na naglalabas-masok sa naturang pasilidad. Iniiba-iba umano ang araw ng pagdating ng isang van na may sakay na mga Chinese at diretso itong pumapasok sa magkakaibang silid ng motel-apartelle.

Ayon pa sa source, full house o punuan ang mga kwarto rito tuwing gagawin itong POGO ng mga Chinese. Ang minimum bet o pusta sa pasugalan ay hindi raw bababa sa isang daang libo. Mayroon din umanong password na kailangang sambitin para makapasok.

Nauna nang inamin ng tauhan ni Rose Lin na si Ted “Bong” Lazaro na pagmamay-ari ng kanyang amo ang lote pati na ang Eros Inn. Tahasang ibinabalandra ni Lazaro sa mga urban poor ang nasabing pag-aari ni Rose Lin at plano raw itong gawing pabahay.

Si Rose Lin at ang asawa nitong si Weixiong Lin alyas Allan Lim ay dawit sa POGO-drug matrix na isiniwalat ng pinagsanib ng puwersang imbestigasyon ng Presidential Anti-Organized Crime Commission, National Bureau of Investigation, Quad-committee ng Kamara at Senado.