MAAARI nang muling pumasada ang mga motorcycle taxi makaraang payagan ng Kamara ang pagpapatuloy ng pilot study sa naturang moda ng transportasyon.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, ang ‘go signal’ ay ibinigay ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) noong Huwebes makaraang suportahan ng House transportation committee ang pagbabalik ng operasyon.
Ani Roque, ang guidelines ay ipalalabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
“Mabuting balita po iyan kasi pupuwede naman tayong mag-Angkas o mag-Joyride,” pahayag ni Roque sa Laging Handa briefing.
Nauna rito ay sinabi ni Angkas chief transport advocate George Royeca na nakahanda ang Angkas na magserbisyo sa mga commuter kasabay ng pagtiyak na ang partner-drivers nito ay sumailalim sa pagsasanay sa tamang pag-disinfect ng sasakyan matapos ang kada biyahe.
Aniya, gagamit ang kompanya ng cashless payment schemes, IATF-approved barriers sa pagitan ng rider at ng pasahero, at hindi papayagan ang hiraman ng helmets.
Comments are closed.