MPBL INVITATIONALS SASAMBULAT SA DIS. 11

ANG nalalapit na Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Invitationals ay nagsisilbing panimula sa pagbabalik ng liga sa regular season calendar nito sa susunod na taon.

Ayon kay Commissioner Kenneth Duremdes, uunti-untiin ng liga ang pagbabalik

nito sa normal sa susunod na taon sa pagsisimula ng 2022-2023 season sa tradisyunal na June 12 opener.

Isang mahabang pre-season ang ikakasa matapos ang Invitationals, at makaraan ang maikling pahinga  ay isasagawa ang opening ng season proper matapos ang dalawang taong pagliban dahil sa pandemya.

“Tuloy-tuloy na ‘yan dahil nare-reignite na natin ‘yung MPBL,” pahayag ni Duremdes sa online Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes. “Basta ‘yung mga players mag-ready lang sila dahil may mga nakaplano na ang MPBL by 2022.”

At simula pa lamang ang Invitationals na nakatakda sa Disyembre 11-21 at pamamahalaan ng Chooks-To-Go, kung saan 22 koponan ang magbabakbakan.

Ayon kay Duremdes, ang torneo ay magiging maikli lamang na lalaruin sa ilalim ng FIBA-style format.

Target ng liga na idaos ang mga laro sa Mall of Asia Arena at umaasang makakakuha ito ng TV coveror para maipalabas ang mga laro.

“Short tournament lang siya. FIBA-style talaga, five games a day, start ng 9 a.m. onwards,” sabi ng PBA great turned league official sa session na itinataguyod ng San Miguel Corporation (SMC), MILO, Amelie Hotel Manila, Braska Restaurant, Daily Tribune, at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

“So it’s a single round robin with teams divided into four groups. Then top two in each group advance in the playoffs, and puro knockout stage na.”

Idinagdag pa ni Duremdes na minomonitor din ng FIBA ang torneo na magiging una ng MPBL magmula nang maging  pro at mapasailalim sa Games and Amusement Board (GAB).

“FIBA will be watching this. Titingnan nila kung paano tayo magpapatakbo ng liga,” aniya.

Ayon kay Duremdes, ang lahat ng players ay dapat fully vaccinated, habang ang torneo ay idaraos sa ilalim ng closed-circuit system. CLYDE MARIANO