NASIGURADO ng Pasig-Sta. Lucia ang top seeding sa Pool A ng 2021 Chooks-to-Go MPBL Invitational matapos pabagsakin ang All-Star Bacolod, 86-61, nitong Sabado sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Tangan ng Realtors ang 4-0 karta sa group elimination at kahit may nalalabi pang laro laban sa Negros sa Lunes, hawak na nila ang No.1 seeding tungo sa cross-over quarterfinals ng liga na may basbas ng Games and Amusements Board (GAB). Haharapin nila sa susunod na round ang No.2 seed sa Group C na pinaglalabanan ng San Juan at Nueva Ecija.
Nahulog ang Bacolod kasosyo ng Iloilo sa 3-2 karta, ngunit umabante ang Iloilo sa susunod na round tangan ang mas mataas ng quotient sa tiebreaker.
“Sa tingin ko ‘yung quarterfinals nandiyan na sa amin ‘yun. Paghahandaan na lang namin ‘yung makakalaban namin sa next round,” pahayag ni Realtors head coach Bong Dela Cruz.
Nagawang madomina ng Realtors ang All-Star sa kabuuan ng laroi, sa pangunguna nina Rudy Lingganay, Justin Arana, at Ryan Costelo. Umabante ang Pasig-Sta. Lucia sa 20-9 at hindi na nakadama ng pagtatangka sa karibal.
Hataw si Lingganay sa naiskor na 16 puntos.
“’Yun ‘yung pinag-uusapan namin, ‘yung mga bad starts namin nung first three games,” sambit ni Dela Cruz. “Kaya sabi ko, we need to start strong and finish strong at nagawa namin kanina.”
Kumubra si Jeckster Apinan ng 14 puntos at 10 rebounds, habang tumipa si Arana ng 13 puntos, walong rebounds, at tatlong blocks.
Tanging si Arben Dionson ang umiskor ng double-digit sa Bacolod na may 10 puntos. EDWIN ROLLON
Iskor:
Pasig-Sta. Lucia (86) – Lingganay 16, Apinan 14, Ablaza 13, Arana 13, Yu 7, Costelo 7, Bautista 7, Teng 3, Mina 3, Pena 3, Chan 0.
All-Star Bacolod (61) – Dionson 10, Baiquin 9, Gonzales 8, Altamirano 7, Caino 7, Viloria 5, Guillen 4, Pastias 3, Montuano 3, Tulipas 2, Soriano 2, Colonia 1.
QS: 27-13, 44-25. 64-46, 86-61