PINABABASURA ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Supreme Court (SC) na umuupong Presidential Electoral Tribunal (PET) ang petisyong inihain ni Vice President Leni Robredo na sundin ang 25% threshold sa shading ng balota.
Ito ang nakapaloob sa 11 pahinang sagot sa petisyon ni Robredo na dapat i-maintain ng PET ang resolusyon nito noong Abril 10, 2018 na nagbasura sa paggamit ng 25 % threshold.
“Di ko maintindihan kung bakit sa gitna ng recount dapat nating palitan ang rules sa nakaraang tatlong halalan para lang sa aking katunggali,” ani Bongbong.
Sinabi rin ni Marcos sa komento niya na dapat ipawalang saysay ang kahilingan ng kampo ni Robredo na ihiwalay ang mga balota na kasama sa isyu ng threshold dahil wala umano itong sapat na basehan at magreresulta lamang ng pagkaantala ng recount at revision proceedings.
Ayon naman kay Atty. Vic Rodriguez, abogado ni Marcos, inaasahan nilang isasama sa agenda bukas ng SC sa en banc session ang naturang isyu para maresolba na ito.
Muli, iginiit ng kampo ni Marcos na dapat gamitin ang 50 percent threshold sa manual recount dahil ito ang itinakda ng Commission on Elections (Comelec). ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.