MRT-3 FULL REHAB NA SA 2021

MRT-3

PINAMAMADALI na ng Department of Transportation (DOTr) ang rehabilitasyon ng Metro Rail Transit 3.

Ito ang inihayag ni DOTr Undersecretary for Railways Timothy Batan sa ginanap na press briefing sa Mala-kanyang kung saan target, aniya, nilang makamit ang full rehabilitation sa Hulyo 2021.

Ayon kay Batan, mula sa kasalukuyang 30 kilometro ay gagawin nang 60 kilometro kada oras ang takbo ng MRT 3 sa 2021 at ang kasalukuyang bilang ng train sets na tumatakbo ay aakyat sa 20 mula sa 15.

Sinabi pa ni Batan na ang pagitan ng dalawang tren o yaong tinatawag na headway ay bababa mula sa kasa-lukuyang 7 1/2 hanggang 10 minuto sa 3 1/2 minuto na lamang.

Ayon sa opisyal, ang Sumitomo ay bumalik na rin bilang maintenance provider ng MRT-3 at dumating na rin ang rail replacements upang mapalitan na ng 100 porsiyento ang sirang mga riles.

“Sa ngayon po ang scope ng Simitomo is not just a simple maintenance. Dahil hindi lang natin mine-maintain ang MRT-3, inaayos po at nire-rehabilitate ang sirang MRT-3 kaya magtatagal po ‘yan ng 26 months,” dagdag pa ni Batan.     EVELYN QUIROZ

Comments are closed.