TIWALA ang Department of Transportation na kakayanin na ng MRT-3 trains na bumiyahe ng 60 kilometer per hour (kph) kapag naisakatuparan ang inaprubahang P22 billion rehabilitation para sa nasabing mass transport system.
Bukod sa pagpapabilis ng takbo, saklaw ng rehabilitation program ng MRT-3 ang mga train, power supply system, radio system, signaling system, public address system maging ang mga nakainstalang mga CCTV.
Ang nasabing proyekto ay popondohan ng Official Development Assistance (ODA) ng bansang Japan.
Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), aabot sa P22 bilyon ang ilalaang pondo para sa pagsasaayos ng buong sistema ng MRT-3 at inaprubahan na ng Investment Coordination Committee-Cabinet Committee.
Pasisimulan ang malawakang pagsasaayos ng MRT-3 sa ikatlong bahagi ng 2018 at inaasahang matatapos ang nasabing rehabilitation project sa first quarter ng taong 2021.
Nakatakdang dumating sa Filipinas ang mga Japanese maintenance contractor na mangangasiwa sa proyekto kasunod ang paglagda sa loan agreement ngayong buwan ng Agosto.
Oras na matapos ang rehabilitation project ay inaasahang aabot na sa 60-kilometer per hour (kph) ang magiging bilis ng takbo ng MRT trains at magiging tatlong minuto na lamang ang waiting time sa mga pasahero.
Matatandaang ibinaba sa 40 kph ang takbo ng MRT dahil sa madalas na aberya o pagkasira nito habang tumatakbo.
Sa tala, ang 19-anyos na MRT-3 na may rutang mula North Avenue station sa Quezon City hanggang Taft Avenue sa Pasay ay nagkaaberya ng 34 beses kada buwan noong 2017 habang 36 beses kada buwan naman noong 2016. VERLIN RUIZ
Comments are closed.