MRT-7 62% NANG TAPOS

NASA 62 porsiyento nang tapos ang Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7) na magdurugtong sa North Avenue sa Quezon City sa San Jose del Monte, Bulacan, ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Sa isang post sa Facebook, sinabi ng DOTr na pitong buwan na lamang ang hihintayin para matapos ang mass transport project.

Ang MRT-7 ay ikokonekta sa MRT-3 at LRT-1, at magkakaloob ng mas malawak na access at tuloy-tuloy na pagbiyahe.

Ayon sa DOTr, sa MRT-7 ay mapabibilis ang biyahe sa North Avenue hanggang San Jose del Monte sa loob lamang ng 35 minuto mula sa dating 2 hanggang 3 oras.

Nakatakdang isapubliko  nina Presidente Rodrigo Duterte at Transportation Secretary Arthur Tugade ngayong Huwebes ang bagong MRT-7 train sets na nagmula sa South Korea.

Kukumpletuhin nito ang kabuuang 108 rail cars ng MRT-7, na may 36 train sets.