IPINAGPALIBAN sa Mayo ang rehabilitasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa harap ng sunod-sunod na aberya na naitala sa biyahe ng MRT nitong mga nagdaang araw.
Nilinaw naman ni Michael Capati, head of operations ng MRT-3, na ang pagpapaliban ay dahil sa pagkaantala ng pagproseso ng mga papeles ng kompanyang Sumitomo na siyang mangunguna sa nasabing rehabilitasyon.
Ilan sa mga nakatakdang ayusin noon pang nakaraang buwan ang mga sirang elevator at escalator sa mga estasyon ng MRT.
Ayon kay Capati, sa oras na maayos na ang mga dokumento ng Sumitomo ay agad uumpisahan ang pagkukumpuni sa mga ito.
Kasama rin sa rehabilitasyon ang paglalagay ng dagdag na mga tren para sa mas mabilis na biyahe ng mga pasahero.
Magugunitang kamakalawa ay nagkaroon ng aberya sa MRT Quezon Avenue Station bandang alas-7:40 ng umaga, gayundin sa MRT Cubao Station bandang alas-8:30 ng gabi. Walang pinababa sa mga pasahero pero nagdulot ito ng mahabang pila at mas mahabang biyahe.
Sa pahayag ng isang AJ Francisco, 15 minuto silang naghintay sa North Avenue Station at walang dumarating na tren.
Bago mag-alas-8 ng umaga, dalawang tren ng MRT na nasa Taft Avenue station ang nasira. Noong Martes ay nagkaroon din ng problema sa biyahe ng MRT matapos na makaranas ng electrical failure ang isang tren.
Noon namang Lunes (Mar. 4), sa pag-uumpisa pa lang ng operasyon ay nagpatupad na ng limitadong operasyon ang MRT-3. VERLIN RUIZ
Comments are closed.