MAKUKUMPLETO ang rehabilitasyon ng Metro Rail Transit-3 (MRT3) sa first quarter ng 2021, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
“Inaasahan nating matatapos by the 26th month [ang rehabilitasyon] so mula January 2019, magre-rehab ‘yan buong 2019-2020 at hanggang sa 1st quarter ng 2021 at doon matatapos ang kabuuang rehabilitation,” pahayag ni (DOTr) Undersecretary for Rail-ways Timothy John Batan
Noong Biyernes ay sinabi ni Batan na ang MRT-3 ay ibabalik sa high-grade infrastructure status nito.
Bahagi ng rehabilitasyon ang bagong Chinese-made Dalian train sets na kasalukuyang sinusubukan.
Aniya, dahil sa mahaba at maraming testing ng mga bagong train, tanging ang Dalian train set na may tatlong wagons ang maaaring mag-operate sa ngayon. Ang iba pang train sets ay nakapila pa, aniya, para subukan.
“Ang dahilan kung bakit isang train set [ng Dalian train] pa lang napapatakbo natin ay dahil tatlong bagon pa lang ang nakakatapos sa mahabang listahan ng testing and commissioning procedures,” sabi ni Batan.
“Isang buong train set ng Dalian train na binubuo ng tatlong bagon. ‘Yan ay kasalukuyang dumaraan sa gradual deployment at pinapatakbo natin tuwing off peak hours at saka natin titingnan kung puwede natin iakyat during peak hours.”
Noong Sabado ay tiniyak ng DOTr sa publiko na walang pagtaas sa pasahe sa MRT-3 kahit pa isasailalim sa rehabilitasyon ang buong linya nito sa susunod na taon.
Sinabi ni Batan na malinaw ang atas sa kanila ni Transportation Secretary Arthur Tugade na unahin ang pagsasaayos ng serbisyo para sa kapakinabangan ng mga pasahero bago isipin ang karagdagang kita mula sa mga ito.
“Mariin na instruction ni Secretary (Arthur) Tugade na hindi tayo mag-i-increase ng anumang pasahe hangga’t hindi nararamdaman ng ating mga commuter ang improvements sa services ng MRT-3,” ani Batan.
Ang MRT-3 ay huling nagtaas ng pasahe noong Enero 2015 sa P11 bilang base fare at karagdagang P1 per kilometer.
Noong Huwebes ay nilagdaan ng mga pamahalaan ng Filipinas at Japan ang P18-billion loan agreement para sa rehabilitasyon ng MRT-3.
Ang loan ay may interest rate na 0.1 percent per year, na may repayment period na 28 taon matapos ang grace period na 12 taon.
Magbabalik ang Sumitomo-Mitsubishi Heavy Industries ng Japan upang pangasiwaan ang pagmamantina at rehabilitasyon ng MRT3.
Ang Sumitomo-Mitsubishi Heavy, bilang orihinal na MRT3 maintenance contractor, ang nagdisenyo at nagtayo ng mass rail transit system, at nagsilbing maintenance contractor nito sa unang 12 taon ng operasyon.
Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, ang MRT3 rehabilitation project ang magiging solusyon sa lahat ng problema na kinakaharap ng rail transit.
“It will rehabilitate them all, including replacement of worn out tracks, upgrading the train signaling system, and general over-haul of the 72 15-year-old LRVs (light rail vehicles),” anang DOF chief.
Sa ilalim ng proyekto, ang bilang ng train sets ay gagawing 20 mula 15, dadagdagan ang speed sa 60 kilometers per hour, at babawasan ang oras sa paparating na trains sa 3.5 minuto.
Isasaayos din ang lahat ng sub-components ng MRT 3 tulad ng pagpapalit ng riles, power supply at makina sa mga bagon, gayundin ang pagdaragdag ng mga gamit sa depot at general overhaul sa mga lumang bagon nito.
Comments are closed.