MAY libreng sakay ang mga kawani ng pamahalaan sa MRT-3 at LRT-2 mula Setyembre 18 hanggang 20 bilang pagdiriwang sa ika-123 anibersaryo ng civil service.
Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng pamunuan ng dalawang rail lines na kailangan lamang na magpakita ang eligible riders ng valid government ID mula 7 a.m. hanggang 9 a.m. at mula 5 p.m. hanggang 7 p.m.
Ayon kay Transportation Assistant Secretary for Railways at MRT-3 officer-in-charge Jorjette Aquino, ang pagkakaloob ng libreng sakay ay isang paraan ng pasasalamat sa civil servants para sa kanilang serbisyo.
“Kami po sa MRT-3 ay taos-pusong nakiki- isa sa pagdiriwang ng anibersaryo ng Philippine Civil Service. Ang handog naming libreng sakay simpleng pasasalamat sa lahat ng mga sakripisyo ng bawat kawani ng gobyerno upang magampanan nang tapat at maayos ang kanilang mga tungkulin,” aniya.
Ang MRT-3 line ay tumatakbo mula Taft Avenue sa Pasay City hanggang North Avenue sa Quezon City habang ang LRT-2 ay bumibiyahe mula Recto sa Manila hanggang Antipolo sa lalawigan ng Rizal.
(PNA)