NASA 4,000 metric tons ng mga nakumpiskang asukal mula Thailand ang ibebenta sa Kadiwa stores ng pamahalaan.
Ayon kay Bureau of Customs (BOC) Commissioner Bienvenido Rubio, may 80,000 bags ng asukal ang ipinadala mula Thailand sa Port of Batangas noong Enero ng nakaraang taon, subalit sa huli ay idineklarang forfeited dahil kulang sa mga kinakailangang dokumento ang shipment.
Tinukoy ang kautusan mula sa Sugar Regulatory Administration (SRA) na nagsasabing “seized sugar with commercial value and capable of legitimate use may be disposed of by the BOC through a donation to government institutions,” inaprubahan ng Department of Finance (DOF) ang donasyon sa Department of Agriculture (DA).
Tinanggap ng DA ang mga asukal noong Martes.
Sa isang statement, sinabi ng DA na ang mga asukal ay ibebenta sa Kadiwa markets at stalls.
Sa monitoring ng ahensiya, ang presyo ng asukal ay naglalaro sa ₱78 hanggang ₱110 kada kilo.
Sinabi pa ng DA na ang kasalukuyang suplay ng asukal sa bansa ay sobra-sobra para matugunan ang mga pangangailangan.