MURANG NFA RICE MANANATILI

NFA RICE

TINIYAK ng Department of Agriculture (DA) na magpapatuloy pa rin ang pagbebenta ng P27 na kada kilo ng NFA rice sa gitna ng pagpapatupad ng Rice Tariffication Law.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, may kautusan si Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpatuloy ang pagbebenta ng murang bigas sa publiko.

Naniniwala naman si NFA Officer-in-Charge Administrator Tomas Escarez na malaking tulong ang pagpapanatili ng P27/kilo na bigas para sa mga mahihirap na pamilyang umaasa rito.

Magugunitang batay sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas, malilimitahan na ang  papel ng NFA sa pagkuha ng buffer stock para sa kalamidad.

Samantala, pinaba­bantayan ng isang grupo sa pamahalaan ang ­suplay ng bigas sa bansa.

Ito ay dahil sa posibilidad na samantalahin ng mga negosyante ang tinatawag na lean months o panahon ng paghahanda ng mga magsasaka para ipitin ang suplay ng bigas na nagiging dahilan ng pagtaas ng presyo nito.

Sinabi ni Grains Retailers Confederation (GRECON) Convenor Orlando Manuntag na bagama’t sapat ang suplay ng bigas at maganda ang kalidad ng NFA rice, umaasa sila na mananatiling matatag ang presyo nito sa mga susunod na panahon.

Aniya, tuwing lean months kadalasang nagbubukas ang NFA at mga pribadong rice miller na mag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa na mahigpit na kakumpetensya ng mga locally produced sa presyuhan.

Kaugnay nito, nanawagan si Manuntag sa pamahalaan na pangalagaan ang  mga sakahan sa bansa para hindi mawalan ng han-apbuhay ang mga magsasaka. DWIZ 882

Comments are closed.