CALOOCAN CITY – HINDI na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang isang lolo matapos magbaril sa kanyang ulo nang hindi na nito makayanan ang matinding depresyon dahil sa sakit, sa lungsod na ito kamakalawa ng hapon.
Batay sa report ng pulisya, ang biktima ay nakilalang si Justiniano Malinana, 81, at residente ng No. 98 Salvador St., Brgy. 150, Baesa.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, alas-5 ng hapon nang matagpuan ng kanyang anak na si Marivic Enriquez, 54, ang kanyang ama sa loob ng kuwarto nito na duguan at may tama ng bala sa ulo.
Kaagad humingi ng tulong sa kanyang mister si Enriquez bago mabilis na isinugod ang biktima sa Quezon City General Hospital, subalit hindi na rin ito umabot ng buhay.
Narekober ng pulisya sa crime scene ang isang cal. 22 revolver na kargado ng isang basyo ng bala at dalawang hindi pumutok na bala at suicide note na may lagda ng biktima at nakasaad ang salitang “Kaya ko ginawa ito hindi ko na kayang tiisin ang sakit ng ulo ko. Good bye mga mahal ko sa buhay”. EVELYN GARCIA