NAGKAINTERES SA TESDA, NAGBARISTA, TAGUMPAY

TESDA

“SA totoo lang, hindi ko alam kung nasaan ako ngayon kung wala ang TESDA at mga taong naniwala sa aking kaga­lingan at kakayahan.”

Dhebora JuantaGanito inilahad ni Dhebora A. Juanta, alyas “Deejae”, 35, ang kanyang pasasalamat sa TESDA dahil sa mga naabot niyang tagumpay sa buhay bilang technical-vocational graduate.

Si Deejae ay holder ng Food and Beverage Services NC II and lll, Barista NC ll at Events Management Services NC lll.

Bago nag-TESDA, nakatapos na siya ng kursong Bachelor of Science in Hotel and Restaurant Management noong 2006.

Ngayon, may-ari na siya ng isang technical vocational school, ang Center for Barista and Tourism Academy Training and Assessment, Inc.(CBTATAI), na itinayo niya at ng kanyang partner noong 2014. Ito ang kauna-unahang TESDA accredited assessment institution for barista sa bansa.

Si Deejae ay kabilang sa TESDA Idols noong 2017 at ngayong 2018 isa siya sa 26 canditates para sa Tagsanay Award at kasalukuyang TVET Ambassador hanggang 2019.

Bago narating ni Deejae ang nasabing mga tagumpay, naranasan muna niya ang sobrang hirap sa buhay.

“Ang pamilya ko ay nabibilang sa pinakamahirap na pamilya. Natatandaan ko noong bata pa ako wala kaming sariling tirahan, kaya naman ang tatay ko naisipan magtayo ng munting bahay sa gitna ng sapa sa Lawa, Obando, Bulacan kung saan kilalang bahain ang lugar. Para makapasok kami sa eskuwelahan, isinasakay kami sa batya at hatak-hatak kami ng nanay at tatay namin papunta sa tuyong dadaanan upang hindi mabasa ang aming uniporme,” salaysay ni Deejae.

Upang makapag-aral, bata pa ay madiskarte na sa buhay si Deejae.  Ang kanyang baon noon, sa halip na gastusin, ibinibili nya ito ng tsokolate at ibenebenta sa kanyang mga kaklase. Mahilig din siyang mag-drawing at maraming nagpapa-drawing sa kanya na mga magulang at binibigyan siya ng baon bilang kapalit. Ipinagpatuloy niya ang gawaing ito kahit nasa kolehiyo na siya.

Gayundin, sa halip na maglakwatsa pagkatapos ng klase, gumagawa siya ng pulburon at pastilyas at ibinebenta sa school, katuwang ang kanyang mga kaklase sa college hanggang matapos ang kursong HRM.

Pagka-graduate ay nagtrabaho siya bilang senior barista at shift supervisor sa The Coffeebeanery sa loob ng dalawang taon.

Taong 2009 nang mabalitaan nito ang libreng programa ng TESDA at isa siya sa mga nakakuha ng libreng pag-aaral ng balloon arrangement, flower arrangement at iba pa. Sa taon ding ito siya nakapasa sa Food and Beverage Services NC lll at naging kauna-unahang trainer at assessor sa nasabing kuwalipikasyon.

“Nagkainteres ako sa TESDA dahil napukaw ang aking interes sa paraan ng paghahatid ng kaalaman nito. Ang itinuturo ay aktuwal na pagsasanay at kaalaman sa mga nais matuto,” pahayag ni Deejae.

Nagsanay siya dahil nais nitong magtayo ng maliit na negosyo kaya nilinang niya ang kanyang sarili ng mas marami pang kaalaman.

Hindi naman agad siya nakapagpatayo ng negosyo, sa halip naging trainer at assessor si Deejae sa loob ng apat na taon sa isang tech-voc school.

Dahil napaka-passionate niya sa “coffee craft” o sa “art and science of barista” nakamit nito na maging unang female “regional Barista lead assessor”.

“Ang TESDA pala­ging may suporta sa lahat ng nais matuto at magkaroon ng direksyon sa kanilang mga sarili, lalo na sa kaga-ya naming na nais magnegosyo, dahil para sa kanila, kami ay ka-partner sa paghahatid ng magandang programa ng TESDA.

Napakalaki ng pagkakaiba ng buhay noon at buhay niya sa kasaluku­yan. Kung dati, isa siyang empleyado na umaasa sa buwanang suweldo, ngayon nagpapatakbo na siya ng kanyang sariling negosyo.

Sa katayuan niya ngayon, nais pa nitong mag-aral upang mapalawak pa ang kanyang kaalaman. Gusto niyang kumuha ng kursong BS in Business Administration Major in Business Operations sa Lyceum of the Philippines sa programang ETEEAP (Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program).

“Marami akong nais ipayo sa mga nais din na makamit ang meron ako. Una, mas pahalagahan natin ang mabuting pakikipagkapwa tao kaysa sa pera. Pangalawa, matuto tayo manindigan sa ating mga salita at ‘wag sirain ang tiwala ng ibang tao, at panghuli, huwag natin ipagdamot ang kakayahan at kaalaman bagkus ibahagi natin ito sa karamihan.”

Comments are closed.