NAG-INIT ang Milwaukee Bucks sa 3-point area laban sa Miami Heat kung saan nagpaulan sila ng NBA-record 29 three-pointers.
Labindalawang players ng Bucks ang nagsalpak ng three-pointer sa 144-97 pagdurog sa Heat, kung saan tinapos nila ang laro na bumuslo ng mainit na 56.9% muls sa 3-point range.
Tanging si reigning Most Valuable Player Giannis Antetokounmpo ang hindi nakagawa ng triple para sa Milwaukee kung saan sumablay siya sa dalawang pagtatangka.
Nag-ambag si Antetokounmpo ng 9 points, 6 assists, at 6 rebounds sa 24 minutong paglalaro.
Nanguna si Jrue Holiday, kinuha sa offseason trade sa New Orleans, para sa Bucks na may 24 points, kabilang ang anim na three-pointers.
KINGS 125,
NUGGETS 115
Tumipa si De’Aaron Fox ng 24 points at 9 assists, at nagdagdag si Richaun Holmes ng 20 points nang pataubin ng host Sacramento Kings ang Denver Nuggets.
Umiskor si Marvin Bagley III ng 18 points, tumapos sina Harrison Barnes at Tyrese Haliburton na may tig-13 apiece, at gumawa sina Buddy Hield at Nemanja Bjelica ng tig-12 para sa Kings.
Nakalikom si Nikola Jokic ng 26 points, 12 assists at 11 rebounds para sa kanyang ikatlong triple-double sa apat na laro. Ito ang kanyang ika-44 na career triple-double, ang pinakamarami sa franchise history.
Kumabig si Michael Porter Jr. ng 30 points at 10 rebounds, umiskor si Monte Morris ng 24, at nagdagdag si Gary Harris ng 11 para sa Nuggets.
SUNS 111,
PELICANS 86
Nagbuhos si Jae Crowder ng season-high 21 points at nagdagdag si Cameron Johnson ng 18 nang tambakan ng Phoenix Suns ang bisitang New Orleans Pelicans.
Ipinaubaya ng talented guard duo ng Suns na sina Devin Booker at Chris Paul ang scoring sa kanilang teammates. Tumapos si Booker na may 8 points, ang kanyang pinakamababa magmula noong April 2019, habang si Paul ay may 9 points at 9 assists.
Nagposte si Zion Williamson ng 20 points at nag-ambag si Brandon Ingram ng 13 para sa Pelicans, na natalo sa ikalawang pagkakataon sa nakalipas na tatlong laro.
Si Paul ang arkitekto ng balanced attack na nagbigay-daan para umiskor ang anim na Suns players ng double figures. Sina Mikal Bridges, Deandre Ayton at Cameron Payne ay pawang gumawa ng 13 points para sa Phoenix habang tumipa si Dario Saric, naglaro sa unang pagkakataon makaraang makarekober mula sa quad injury, ng 10 points.
Umiskor sina Steven Adams at Nickeil Alexander-Walker ng tig-11 points para sa Pelicans, at kumalawit si Adams ng 8 rebounds. Gumawa ang New Orleans ng 16 turnovers.
CLIPPERS 124,
WOLVES 101
Tumirada si Lou Williams ng 20 points mula sa bench upang pangunahan ang host Los Angeles Clippers sa pagdurog sa Minnesota Timberwolves.
Bumawi ang Clippers mula sa franchise-worst 51-point setback sa Dallas Mavericks noong Linggo.
Nakalikom si Paul George ng 18 points, 6 rebounds at 5 assists, habang nagdagdag si Serge Ibaka ng 16 points at 8 boards para sa Los Angeles. Nag-ambag si Luke Kennard ng 15 points sa 6-of-9 shooting, kabilang ang 3-of-4 mula sa 3-point range.
Kumamada sina Guard Patrick Beverley at center Ivica Zubac ng tig-12 points para sa Clippers, na naglaro sa ikalawang sunod na pagkakataon na wala sina Kawhi Leonard (mouth laceration) at ika-4 na sunod na wala si Marcus Morris Sr. (sore knee).
Nanguna si D’Angelo Russell para sa Timberwolves na may 22 points habang nag-ambag sina Malik Beasley ng 19, Ricky Rubio ng 17 at Naz Reid ng 11.
Sa iba pang laro, ginapi ng Golden State Warriors ang host Detroit Pistons, 116-106; pinadapa ng Orlando Magic ang Oklahoma City Thunder, 118-107; at hiniya ng host Philadelphia 76ers ang Toronto Raptors,100-93.
Comments are closed.