WALANG pinipiling edad ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Hangga’t may gustong matuto, bukas din ang pinto ng TESDA para sa kanila. Tulad na lamang ng isang dating Overseas Filipino Worker (OFW) na si Jed Daclan, 52-anyos, na nagmula pa sa Qatar, ay umuwi ng Filipinas para maghanap ng iba pang oportunidad. Bunso si Jed sa anim na magkakapatid at ang kanilang mga magulang ay parehong nagtatrabaho sa gobyerno.
Sinubukan nitong pumasok sa isang mining firm sa Sindangan, Zamboanga del Norte, ngunit hindi para sa kanya ang nasabing trabaho dahil hindi ito natuloy. Hindi naman ito naging hadlang para kay Jed dahil binigyan siya ng bagong pag-asa ng TESDA. Nakapagdesisyon siya na kumuha ng kursong Driving sa Provincial Training Center o PTC-Sindangan kalakip na rin ng mga kasanayan na nakuha niya sa ibang bansa.
Hindi na naging mahirap para kay Jed na makapasa sa competency assessment ng TESDA at ginawang tulay ang nakuha niyang National Certificate para magkaroon ng trabaho nang hindi na kinakailangan pang lumabas ng bansa at lumayo sa kanyang pamilya.
Nang makakuha naman siya ng Trainer’s Methodology I, mas pinili ni Jed na ipagpatuloy ang pagseserbisyo sa TESDA kahit pa isa na siyang licensed Mechanical Engineer.
Pinayuhan naman ni Jed ang mga kabataan na nagnanais na mapalawak ang kanilang kasanayan.
“Kung nakakatulong ang tech-voc sa akin at age 52 noon, I’m sure na lalo itong makakatulong sa pagpapaunlad ng kani-kanilang kabuhayan,” ayon kay Jed.
Comments are closed.