(Nagtaas ng presyo dahil sa final excise tax) 900 GAS STATIONS

Gas Station

MAHIGIT sa 900 mula sa 9,003 fuel retail outlets sa bansa, o mahigit sa 10%,  ang ipinatupad na ang 3rd at final excise tax hike sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Ayon sa Department of Energy (DOE), nakatanggap na sila ng abiso mula sa Shell, Caltex, Seaoil, Total, PTT, at Petro Gazz kaugnay sa implementasyon.

Ang final hike ay epektibo noong Enero 1, ngunit maaari lamang ipatupad sa bagong stocks na nabili sa 2020, at hindi sa mga langis na prinodyus o inangkat noong 2019. Ang lumang stocks ay kailangan muna umanong ubusin.

Sa ilalim ng final hike, ang diesel ay tumaas ng P1.50 per liter, habang ang gasoline at liquefied petroleum gas (LPG) ay may P1 na pagtaas.

Ayon sa DOE, ang mga gasolinahan ay kaila­ngang mag-display ng sign na nagtataglay ng petsa ng kanilang excise tax hike implementation at kung ano-anong produkto ang sakop nito.

“The DOE has been undertaking all necessary measures to ensure that all tranches of excise taxes on petroleum products are properly implemented,” paliwanag ng ahensiya.

Ang final tranche ay naghatid sa excise tax hike sa karamihan sa mga produktong petrolyo sa kabuuang P10 per liter magmula nang ipatupad ang TRAIN law noong 2017. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM