ISABELA -PATAY ang isang barangay tanod matapos na ito ay saksakin sa dibdib ng kanyang kabarangay habang ang biktima ay kasalukuyang kumakanta hawak ang mikropono ng videoke sa isang birthday sa Barangay Aurora, Quezon.
Nakilala ang nasawi na si Jun Ramirez, 32, habang ang suspek na nanaksak ay si Rey Borja, 44, magsasaka, kapwa naninirahan sa nasabing barangay.
Ayon kay P/SSgt. Arije Cueg, chief of investigation ng Quezon Police Station, na kapwa dumalo sa kaarawan ng kanilang kapitbahay na si Marissa Lague ang suspek at ang biktima kung saan habang kumakanta ang biktima hawak ang mikropono ng videoke ay tinanong ng suspek kung kanino ang susunod na kanta.
Hindi yata nagustuhan ng suspek ang sagot ng biktimang si Ramirez, kaya nilapitan ito ni Borja at inundayan ng saksak sa dibdib habang ito ay kumakanta.
Mabilis namang isinugod sa pagamutan si Ramirez, subalit sa daan pa lamang umano ay nalagutan na ito ng hininga.
Habang ang suspek ay tumakas at kasalukiyan pang pinaghahanap ng pulisya. IRENE GONZALES
Comments are closed.