(Naitala noong Marso) P187.7-B NA BUDGET DEFICIT

BTr

UMABOT sa P187.7 billion ang budget deficit ng national government noong Marso kung saan mas malaki ang revenue collection kaysa public spending, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).

Ang latest figure ay kumakatawan sa 1.97% year-on-year decline. Gayunman ay mas mataas ito sa P105.8 billion fiscal deficit na naitala noong Pebrero nang ang gap ay lumiit ng 8.7%.

Ang deficit ay nasa P316.8 billion sa pagtatapos ng first quarter, mas mababa ng 1.44% kumpara sa kaparehong taon noong nakaraang taon.

Sa datos ng Treasury, nasa P293.9 billion ang nakolektang revenues noong nakaraang buwan, tumaas ng 35.96% makaraang makabawi ang koleksiyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) mula sa contraction nito noong Pebrero.

Ang BIR ay nakakolekta ng P170.4 billion noong Marso, tumaas ng 27.76% mula sa kahalintulad na buwan noong nakaraang taon.

Nakalikom din ang Bureau of Customs (BOC) ng P70.8 billion sa naturang period na mas mataas ng 29.33% kaysa noong nakaraang taon.

Mismong ang BTr ay dumoble ang net income sa P33.4 billion. Tinukoy ng bureau ang mas mataas na dividend remittances, income mula sa Bond Sinking Fund investment nito, guarantee fees, at share ng national government mula sa kita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Ang ibang tanggapan ay nagtala ng P16.4 billion na revenues para sa buwan, na tumaas ng  58.07%.

“Government expenditures likewise increased in March by 18.14%,” ayon sa Treasury.

Sinabi ng bureau na ang mas mabilis na paglago ay dahil sa mas mataas na national tax allocation (NTA) releases at budgetary support sa government owned and controlled corporations (GOCCs).

Tinukoy rin nito ang mas malaking year-on-year disbursements ng Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) para sa kanilang educational assistance o scholarship programs, kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of National Defense (DND) para sa kanilang capital outlay projects.

Samantala, tumaas naman ang interest payments sa 16.54% sa P55.5 billion noong Marso.