NANIWALA SA SKILLS NG TESDA, ISANG COLLEGE GRADUATE NAKAPAGTRABAHO

SA panahon ngayon, ang pagiging degree holder o college graduate ay hindi na kasiguraduhan na makapapasok ka kaagad sa trabaho pagka-graduate.

Ito ang kinaharap na hamon ni Lyn Refuerzo, taga-Tacloban City, Leyte, nagtapos ng kursong Business Administration sa Eastern Visayas State University sa Burauen, Leyte at technical-vocational (tech-voc) graduate bilang scholar ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

“Pagka-graduate ko ng Business Administration, ipinagpatuloy ko ang pagiging lector ko sa simbahan dahil hindi po ako natatanggap sa mga inaaplayan kong trabaho dahil sa kakulangan ko ng skills,” ani Lyn.

Si Lyn ay galing sa isang mahirap na pamilya. Apat silang magkakapatid at siya ang bunso. Ang kanyang tatay ay isang tricycle driver habang ang kanyang ina ay isang kasambahay.

Sa kabila ng kahirapan, nakapagtapos si Lyn at ang kanyang ate sa kolehiyo habang ang kanyang mga kuya ay kapuwa maagang nagkapamilya.

Ang kakulangan sa skills ang nagtulak kay Lyn upang mag-aral siya sa TESDA dahil sa kanyang paniniwala na ang kasanayan sa TESDA ang pupuno sa mga kakulangan na ito at magiging kalamangan upang matanggap sa trabaho at magtutulay upang maabot ang kanyang mga pangarap.

Nag-aral siya sa St. Clare Polytechnic School of Burauen, Inc. (SCPSBI), isa sa mga accredited school ng TESDA, ng kursong Food and Beverage Services NC ll noong June 2011.

Nangunguna siya sa kanilang klase, naging class president at tumanggap ng 2nd Highest Excellence Award nang magtapos noong Marso 2012.

Bitbit ang kanyang kaalaman sa Saint Clare at ang on-the- job training (OJT) certificate, nag-aplay si Lyn sa isang fastfood chain bilang crew, pero natanggap sa managerial position.

Malaking tulong ang training niya sa TESDA dahil bilang manager, nagtuturo siya sa paghubog sa kakayahan ng kanilang mga staff upang maging magaling at disiplinadong empleyado.

“Dahil po sa tech-voc course ko madali akong nakapag-adjust. Kung hindi ako nag-tech-voc, definitely mahihirapan ako sa pag-a-adjust para po sa trabaho ko as restaurant manager,” paliwanag ni Lyn.

Ang interes niya sa table setting at fine dining table set-up ang nag-udyok sa kanya para mangarap na kumuha ng Hotel & Restaurant Management course subalit dahil sa kakulangan ng pera ay hindi ito natupad.

Ang istorya ng kanyang pagsisikap ay nakasama sa Top 20 ng Tatak TESDA Video Making Contest 2 noong 2015 bilang Region VIII Winner, School Category.

Pagkatapos ng “Tatak TESDA Video Making Contest”, marami siyang na-inspire na mga kababayan nito at lalong nagpataas ng kanyang tiwala sa sarili, moral at nagpapasigla sa kanyang pagtatrabaho bilang assistant manager sa isang fastfood chain.

Ang dati nilang bahay na barong-barong ay napalitan na ng mas maayos na bahay at ang kinatitirikan nitong lupa ay kanila nang binili. Sariling tricycle na rin ang minamaneho ng kanyang ama.

Sa bansa, naabot na niya ang kanyang pangarap na magandang trabaho bilang officer-in-charge (OIC) sa isang branch ng fastfood at maayos na pa-mumuhay para sa kanyang pamilya.

Isa pang pangarap ang gusto niyang tuparin, ang makapagtrabaho sa ibang bansa. Balak niyang isakatuparan ito sa susunod na taon at plano niya sa bansang Canada kung pahihintulutan ni Lord. Gusto rin niyang subukan na magtrabaho sa barko.

Para sa kanya, panahon na para maging financially stable na siya dahil hindi na siya bumabata, patuloy na makatulong sa kanyang pamilya at planong pag-aasawa.

Payo nito sa mga kabataan, “Dapat magtapos sa pag-aaral. Hindi po enough maging high school graduate lang. Mapalad kayo kasi marami nang libre ngayon. Free education na sa college. Sa TESDA naman, maraming scholarship programs. Kasi ang certificate from TESDA, plus factor ‘yon. Kapag nakitang may TESDA certificate, iha-hire ka.”

Comments are closed.