NANULOT NG PASAHERO PINAGBABARIL, DRIVER AT 1 PA SUGATAN

MAKATI CITY – NASA malubhang kondisyon ang isang jeepney driver pati na rin ang kapatid nitong isang VIP security makaraan na sila ay pagbabarilin ng isa sa dalawang jeepney dispatcher na nakasuntukan sa Makati City.

Kinilala ang mga biktima na sina Danilo Givero, 66, jeepney driver, naninirahan sa 4 Sampaguita St., Barangay Pembo, Makati City at kapatid nitong si John, 45, at kasalukuyang na­ninirahan sa 10 Jacaranda St., Forbes Park, Makati City.

Kapwa isinugod ang magkapatid sa Ospital ng Makati matapos na magtamo ng tama ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na nakilalang sina Raymundo Alcala alyas “Popsi” no. 179-S 24th Avenue, East Rembo na mabilis na tumakas matapos ang ginawang pamamaril sa mga biktima.

Batay sa isinumiteng report ni Police Colonel Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, dakong alas-12:45 ng hapon nang maganap ang insidente sa JP Rizal sa harap ng Macda Compound Barangay Cembo nang nasabing lungsod.

Lumalabas sa imbestigasyon na sinita ni Alcala si Danilo matapos na hindi pumila sa jeepney terminal sa harap ng Macda Compound at sa halip ay kumuha ng pasahero na dapat ay sasakay na sa mga nakapilang jeep.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo si Alcala at Danilo at sa takot ng huli na makuyog ng mga galit na dispat­cher ay tinawagan niya ang nakababatang kapatid na si John na kaagad namang nakarating sa lugar sakay ng motorsiklo at bitbit ang kanyang sling bag na naglalaman ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril.

Kaagad na kinumpronta ni John si Alcala kaya hinamon siya ng huli ng suntukan na tinanggap naman ng una sabay abot ng kanyang bag na naglalaman ng baril sa nakatatanda niyang kapatid.

Nakisali naman sa suntukan si Embrador na nagresulta sa labo-labo hanggang makuha ng huli ang baril sa bag na hawak ni Danilo at kaagad na pinaputukan ng sunod-sunod ang magkapatid.

Ayon kay Simon dati na umanong may alitan si Danilo at mga dispatcher sa naturang jeepney terminal sa kadahilanan na hindi pumipila ang biktima at sa halip ay ina­agaw ang pasahero ng mga nakapila sa terminal. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.