“AYAW ko sanang kumuha ng technical vocational (tech-voc) course kasi mababa ang tingin sa tech-voc noon. Pinakiusapan lang ako ng nanay ko na i-grab ang opportunity para makapag-aral ako.”
Ito ang pag-amin ni April Rose B. Flores, 31 taong gulang, taga-Kidapawan City, Cotabato, tech-voc graduate at National Winner – Wage Category ng 2018 TESDA Idols Search. Siya ang kinatawan ng TESDA Region Xll.
Panganay siya sa tatlong magkakapatid, dalawang lalaki ang sumunod sa kanya. Tricycle driver ang kanyang ama habang public school teacher ang kanyang ina.
Nalaman nila sa isang focal ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na kanilang kapitbahay at suki sa tindahan ng kanyang lola ang tungkol sa TESDA scholarship programs na inaalok sa University of Southern Mindanao (USM) Kidapawan City Campus sa ilalim ng Private Education Student Financial Assistance (PESFA).
Noong una ay nag-atubili si April na kumuha ng tech-voc course dahil mababa ang pagtingin ng mga tao sa tech-voc noong araw at gusto talaga niya ay maging accountant.
Gayunpaman, pinilit siya ng kanyang nanay na samantalahin ang nasabing scholarship program para makapag-aral siya pagkatapos ng high school.
Bagama’t school teacher ang kanyang ina, hindi kayang tustusan ng kanyang mga magulang ang pag-aaral ni April sa kolehiyo dahil nagbibigay pa rin ang kanyang ina ng suporta sa kanyang mga magulang at mga kapatid. Isa pa, magkokolehiyo na rin sa susunod na pasukan ang isa niyang kapatid.
Taong 2007 nang magtapos siya sa kanyang kinuhang 3-year vocational course na Food Preparation and Service Technology.
Gayunpaman, bago pa siya grumaduate ay nakapag-asawa siya noong 2006 matapos siyang mabuntis, subalit hindi naman ito naging hadlang para tapusin ang kanyang pag-aaral.
Pagka-graduate noong April 2007, agad siyang kinuha ng USM bilang clerk sa ROTC Office na may Job Order (JO) status sa loob ng anim na buwan. Oktubre, 2007 ay pumasa siya sa Civil Service Eligibility Examination at na-promote bilang faculty sa nasabing unibersidad.
Habang nagtatrabaho, unti-unti siyang kumuha ng mga units para sa kursong Industrial Technology Major in Food and Beverage Preparation and Service Management at nagtapos si April noong 2014.
Pumasa naman siya sa Licensure Examination for Teachers (LET) noong 2015. Taong 2017 nang matapos naman niya ang kanyang Master of Technology Education.
Sa kasalukuyan ay tinatapos n’ya ang kanyang Ph.D. in Technology Management sa Cebu Technological University kung saan inaasahan na ga-graduate sa 2019.
Holder siya ng 12 National Certificates mula sa TESDA na kinabibilangan ng mga sumusunod: Commercial Cooking NC lll, Housekeeping NC ll-lll, Operations NC ll, Food and Beverage Services NC ll-lll, Events Management Services NC lll, Bartending NC ll, Slaughtering Operations NC ll, Cookery NC ll, Bread and Pastry Production NC ll, Food Processing NC ll, at Trainers Methodology Level l.
Competency assessor siya ng mga qualifications na Food Processing NC ll, Food and Beverage Services NC lll, Bread and Pastry Production NC ll at Cookery.
Ang kanyang sahod ay nakalaan para sa budget ng kanyang pamilya habang ang ekstra nitong kinita bilang assessor, facilitator at iba pang extension jobs ay kanyang ginagamit para sa kanyang pag-aaral.
Dalawa ang kanyang anak na pawang mga babae habang ang kanyang asawa na isa ring tech-voc graduate na nakakatuwang niya sa paghahanapbuhay.
Labing isang taon na siyang nagtatrabaho sa USM.
Nakabili na rin sila ng 5 ektaryang lupain at balak nila itong gawing resort para may ekstrang pagkakakitaan at maaaring magamit din bilang training center ng mga estudyante sa USM at matulungan ang mga ito para mabigyan ng trabaho.
Aniya, masaya siyang nakikita na ang kanyang mga naging estudyante ay matagumpay sa buhay o nakapagtrabaho o nakapagpatayo ng maliit na negosyo.
Ipinagmamalaki rin ni April na siya ay Tatak TESDA.
“I am very thankful because I started with a vocational course and that led me to who I am now. I am now a college Instructor, an accredited TESDA Trainer and Assessor. Because of TESDA I have a lot of opportunities to earn for my family’s living,” pagtatapos ni April.
Comments are closed.