CAMP CRAME- BAGAMAN abala sa mahigpit na pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) na naglalayong mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19), tuloy pa rin ang law enforcement work ng Philippine National Police (PNP) partikular ang paglilinis o internal cleansing sa kanilang hanay.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration at chairman ng Adjudication Board on Illegal Drugs Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan na inatasan siya ni PNP Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa na simulan na ang evaluation sa mga pulis na nasa counter-intelligence (CI) watch list.
Aniya, ang mga nasa CI watch list ay mga nasangkot sa iba’t ibang ilegal na aktibidad at kanila itong sisiyasatin sa pamamagitan ng case build up.
“As a chairman of the Adjudication Board on Illegal drugs, I am tasked by the PNP Chief to conduct counter intelligence to those cops involved in illegal activities, sa akin mas tutok ako sa sangkot sa droga pero kung illegal gambling at iba pang ilegal na gawain, sa iba na iyon, then ire-recommend ko ang adjudication to those cops involved in drugs,” paliwanag ni Cascolan.
Aniya, posibleng umarangkada ang kanilang evaluation sa CI watch list makaraan ang Mayo 15 kung kailan inaasahang tatanggalin na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ECQ.
Tiniyak naman ni Cascolan na magiging patas at maingat sila sa proseso ng ebalwasyon sa mga pulis na nasa CI watchlist.
Paglilinaw naman ni Cascolan na ang kanilang gagawing evaluation ay tsansa sa mga nasa CI watchlist na malinis ang kanilang pangalan at matanggal sa nasabing listahan.
Ang evaluation din aniya ay paraan para mapatunayang nagkasala ang mga ito dahil pawang sumbong at reklamo pa lamang at wala pang proof kung totoong kanilang nagawa ang kasalanan. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM