(Natapos na sa nakalipas na 3 buwan) 19 AIRPORT, 33 SEAPORT PROJECTS

MAY kabuuang 19 airport at 33 seaport projects ang natapos na sa nakalipas na tatlong buwan sa ilalim ng ‘Build Build Build’ program ng pamahalaan, ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade.

Sa kanyang report sa ‘Talk to the People’ ni Presidente Rodrigo Duterte noong Martes ng gabi, sinabi ni Tugade na ang DOTr ay nakatapos na ng kabuuang 233 airport projects hanggang November 2021.

“In a period of three months, nakatapos, nakabuo, at nakaayos ho tayo ng mga paliparan at mga airport projects,” ani Tugade.

Aniya, ang mga natapos na airport projects ay kinabibilangan ng Bicol International Airport, Butuan Airport, Catarman Airport, Siquijor Airport, corporate building at second runway ng Mactan International Airport at General Santos International Airport.

Sa maritime sector, sinabi niya na may kabuuang 484 proyekto na ang natapos ng Duterte administration.

“For a period of barely three months, nakakumpleto ho tayo, Mr. President, ng (we have completed, Mr. President,) 33 seaport maritime projects,” ani Tugade.

Ilan sa mga pinasinayaan kamakailan na seaport projects ay ang Tagbilaran Port sa Bohol, Port of Maribojoc, Port of Loon, Port of Talibon, Port of Ubay at Port of Tapal.

Sa susunod na linggo ay may 11 seaport projects, aniya, ang magkakasabay na pasisinayaan sa isang virtual ceremony sa Calapan, Mindoro.

“Completed expansion and construction, ongoing construction pati ‘yung (including) procurement, 11 ho at gagawin natin ‘yung seremonya sabay-sabay,” sabi pa ng kalihim.

Isa sa mga proyektong ito ay ang bagong passenger terminal ng Calapan Port na magiging pinakamalaking passenger terminal sa bansa na may ma­ximum passenger capacity na ­3,500. PNA